PABOR si Senate President Vicente Sotto III na tulungan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang Philippine National Police (PNP) sa pagpapatupad at pagdakip sa mga lumalabag sa enhanced community quarantine (ECQ) o iyong mga taong “labas nang labas.”
Sa panayam, sinabi ni Sotto na nakatakda sa RA 11469 o Bayanihan to Heal As One Act na may kaakibat na parusa ang sinomang lalabag sa ECQ kaya dapat tumulong na ang AFP sa pagpapatupad nito.
“Oo, tumulong na ipatupad ang batas, which is the Bayanihan to Heal As One Act. Ipinapatupad mo yung RA 11469, anong martial law ang pinagsasabi nung iba, hindi martial law yan, ang sabi natin doon, huwag lalabas, stay home,” giit ni Sotto.
Hindi man niya matandaan dahil sa kapal ng naturang batas, sinabi ni Sotto na may kaakibat na parusa ang sinoman lalabag sa ECQ.
Kabilang sa hindi dapat lumabas ng tahanan ang mga senior citizen dahil nakatakda ito sa batas, dagdag ng lider ng Senado.
“Yan na nga, so hindi ba? Enforcement ang kailangang diinan pagka ganoon. Tingnan mo ang nangyari sa Cebu, isang barangay. Kasi ang mentality ng iba, hindi kami, hindi naman kami tatamaan niyan, sanay kami sa dumi, mga ganoong salita,” himutok ng mambabatas.
Aniya, hindi rin umano maaaring lumabas ng tahanan nang walang face mask bilang proteksiyon sa lahat na mahigpit na ipinagbabawal ng batas. ESTONG REYES
182
