KUNG isa akong kongresista, pihadong magagalit din ako kay Greco Belgica dahil mali ang tirada ng opisyal na ito hinggil sa korapsyon sa Department of Public Works and Highway (DPWH).
Kapag opisyal ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) tulad ni Belgica, dapat mayroong mga pangalan ang ibubunyag na katiwalian, korapsyon at pandarambong sa mga kagawaran ng pamahalaan tulad ng DPWH.
Kung wala, hindi ito pagbubunyag, kundi pagpapasikat.
Mabilis akong humanga sa tapang ni Belgica nang sabihin niyang mayroong mga kongresistang kumita mula sa korapsyon ng DPWH.
Iwinasiwas ni Belgica na mayroong mga sangkot na mga kongresista sa korapsyon sa DPWH.
Kaso, naduwag si Belgica na tukuyin ang mga kongresistang korap.
Batay sa istoryang lumabas dito sa SAKSI Ngayon, nabangit ni ACT-CIS Rep. Eric Go Yap na hindi tamang magsalita si Belgica nang walang pangalan dahil nangangahulugang lahat ng kongresista ay sangkot sa korapsyon sa DPWH.
Si Yap ay bagitong mambabatas dahil nitong halalang 2019 lamang siya naging kinatawan sa mababang kapulungan ng Ika-18 Kongreso.
Kaya, hindi tamang maging suspek siya sa nagaganap na komisyong 10 porsisyento hanggang 30 porsiyentong parte sa mga proyekto ng DPWH.
Kaya, tama ang pahayag ni Yap na huwag magparatang ng walang pangalan.
Ang isa pang mas magandang banat ni Yap ay ang sinabi nitong posibleng “cover-up” sa kasong kriminal na isinampa laban sa kanya sa Office of the Ombudsman ang kanyang pahayag laban sa mga kongresista.
Marahil, pumasok sa isipan ni Yap ang ideyang cover-up dahil binira ni Belgica ang mga kongresista makaraang lumabas sa media ang demanda ng siyam na empleyado ng Duty Free Philippines Corporation (DFPC) laban sa opisyal ng PACC.
Nakasaad sa 16-pahinang reklamo nina Alexander Sablan, Ernesto Mangalindan, Romeo Silva Jr., Eric Oracion, Nilo Duarte, Joaquin Vibal, Francis Daco, Rizalino Santos at Carlito Ardales na tinanggal ni Belgica ang mga pangalan ng mga opisyal ng DFPC na inireklamo nila ng “technical smuggling” noong 2017.
Tinumbok nilang lumabag si Belgica sa Republic Act No. 3019, o Anti-Graft and Corruption Practices Law.
Tahasang itinanggi ni Belgica ang paratang.
Ang kasong pinaimbestigahan kay PACC Commissioner Belgica ay tungkol sa implementasyon ng Supply Delivery Agreement (SDA) ng DFPC sa mga pribadong kumpanya.
Talung-talo ang pamahalaan sa nangyaring ito dahil hindi na magbabayad ng buwis ang mga pribadong kumpanya.
Pokaragat na ‘yan!
Hindi lang sapul, kundi sapul na sapul si Belgica kay Yap.
Ang tirada ni Belgica na kaparis sa isang latang walang laman ay walang puwang sa paglaban at pagsugpo ng pamahalaan sa katiwalian, korapsyon at pandarambong.
Sa hiwalay na pahayag sa media, binanggit ni Yap na sandaang porsiyentong suportado niya ang imbestigasyon laban sa korapsyon sa buong pamahalaan na ipinagkatiwala ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Justice (DOJ) kaysa sa PACC.
“Bilang chairman ng House Committee on Appropriations, ie-exercise natin ang oversight functions ng komite para silipin ang badyet [ng mga kagawaran at ahensiyang iimbestigahan] at kung paano ito ginamit, lalo ngayong panahon na bawat piso ay mahalaga dahil sa pandemya. Uunahin natin ang mga ahensyang may kinalaman sa pangongolekta ng buwis gaya ng Bureau of Customs (BOC),” banggit ni Yap.
“Matagal na panahon na sinasabing talamak ang korapsyon sa BOC, pero binago ni Commissioner Rey Leonardo Guerrero ang imahe ng bureau dahil sa mga repormang inumpisahan niya. Tutulungan natin si Commissioner Guerrero para hanapin ang anay sa ahensya, i-pinpoint ang mga tiwaling opisyal at linisin ang BOC,” paliwanag ni Yap.
“Hindi kayo untouchable, if you are doing corrupt practices, now is the best time to stop. Your time will come at sa parating na Bicameral Conference para sa 2021 National Budget, kung kailangang bawasan, o tanggalan ng badyet ang ahensya, gagawin natin dahil hindi sila nararapat makatanggap ng pondo mula sa kaban ng bayan.” bigwas ni Yap sa mga korap sa BOC.
“Magsusumite [rin] tayo ng mga report sa DOJ upang makatulong sa panawagan ng Pangulo. Magbabantay tayo hanggang sa masampahan sila ng mga kaso sa Office of the Ombudsman [upang] may mapanagot sa mga katiwalian sa Bureau of Customs”, pagtitiyak ni Rep. Yap.
