MAS mabilis na pagpapalawig ng digital technology sa mga pampublikong paaralan. Ito ang isa sa mga benepisyong tinukoy ni Senador Win Gatchalian sa paggamit ng satellite-based technologies sa pagpapalawak ng internet access sa bansa.
Layon ng inihain ni Gatchalian na Senate Bill No. 2250 o “Satellite-Based Technologies for Internet Connectivity Act of 2021″na palawakin ang access sa satellite-based technologies bilang isa sa mga paraan upang maging konektado ang buong bansa sa internet.
“Habang hindi pa nakakabalik ang mga mag-aaral sa eskwelahan, mas maiging ngayon pa lang ay nilalatag na natin ang mga paghahanda para sa itinataguyod nating digital education sa buong bansa,” ani Gatchalian.
Sa ilalim ng naturang panukala, papayagan nang magkaroon at magpatakbo ng satellite-based technology para sa kanilang mga gawain ang mga ahensya ng pamahalaan, mga pampubliko at pribadong non-profit institutions, at mga volunteer organizations na nakatutok sa mga usaping pang-edukasyon, kalusugan, pinansya, agrikultura, pangangalaga
sa kalikasan, pagtugon sa climate change, kahandaan sa mga sakuna, at pagresponde sa mga krisis.
Paliwanag ni Gatchalian, makatutulong ang panukalang batas sa itatayong Public Education Network (PEN) ng Department of Education) at ng Department of Information and Communications Technology (DICT). (ESTONG REYES)
167 