(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
MARIIN ang pagtutol ni dating executive secretary Atty. Vic Rodriguez sa Senate Bill No. 1979 o “An Act Providing for a National Policy in Preventing Adolescent Pregnancies, Institutionalizing Social Protection for Adolescent Parents, and Providing Funds Therefore”.
Para kay Rodriguez, mas malaki ang posibilidad na makasama sa kabataan ang nasabing panukala kaysa maging solusyon sa lumalalang problema sa teenage pregnancy.
“Like most laws that turned out to be harmful and damaging to the moral fiber in the long run, SB 1979 looks very much like a wolf in a sheepskin. The title in fact is very laudable considering that it seeks the “Prevention of Adolescent Pregnancy”. As a father who has seen how many girls whose lives were forever destroyed by unwanted pregnancy in their adolescent years, a law that will address this problem is very welcome,” post ni Rodriguez sa kanyang Facebook page.
Subalit sa isang malalim na pagsusuri aniya, ang panukalang batas na ito ay lilikha lamang ng higit na malagim na problema kaysa hadlangan ang pagbubuntis ng mga bata.
Paliwanag niya, layon ng panukala na kilalanin ang kabataan na may edad 10-19 bilang adolescents na magbubukas ng kanilang murang kaisipan sa mga bagay at usaping kamunduhan, pagtatalik o sex na mataas ang posibilidad na magbunga ng kanilang higit na interes sa pre-marital sex at magdulot ng mga sexually transmitted disease (STD), abortion, teen rape at adolescent pregnancies.
“Ang ating mga kabataan na may edad 10-18 ay may murang kaisipan at walang sapat na kakayahan magdesisyon sa isang napakaselan na bagay na pakay na nakapaloob dito. Hayaan nating maging bata ang ating mga kabataan, huwag natin puwersahin o madaliin ang paghinog ng kanilang mentalidad at pagkatao,” paliwanag pa niya.
Nanindigan din ang unang executive secretary ng administrasyong Marcos na dapat ay magmula sa sariling tahanan ang sex education at pangunahing obligasyon ito ng mga magulang na hindi dapat pangunahan at saklawin ng estado sa pamamagitan ng hindi resonableng batas.
Bukod dito, kinikilala rin aniya ng Saligang Batas ang pagiging sagrado ng pamilyang Pilipino at ang layunin na protektahan at palakasin ito bilang ‘basic autonomous social institution’, na hindi dapat panghimasukan ng estado ang mahalagang papel ng mga magulang sa paghubog at pagpapalaki ng kanilang mga anak.
Sa halip aniyang pangunahan ang mga magulang sa paraan ng pagpapalaki at pagdisiplina sa kanilang mga anak, mas mainam na bigyan pansin at lutasin ng gobyerno ang pornograpiya na laganap sa internet.
“Hindi dapat panghimasukan ng estado o kahit sino man ang natural right ng mga magulang na alagaan, mahalin, palakihin at hubugin ang pisikal, mental, ispiritwal at iba pang aspeto ng pagkatao ng kanyang sariling pamilya’t mga anak sa pamamagitan ng isang panukalang batas na maglalagay sa higit na peligro sa ating mga minamahal na mga anak at kabataan,” banggit pa ni Rodriguez.
