TINATALAKAY na ng oposisyon ang pagkuwestiyon sa legalidad ng 2024 General Appropriations Act (GAA) dahil sa pinalobong unprogrammed appropriations sa Bicameral conference committee.
Ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman, makikipagpulong ito kay Senate Minority Leader Koko Pimentel para sa planong paghahain ng kaso sa Korte Suprema ngayong taon.
“There is need to discuss the petition with Sen. Koko,” ani Lagman na unang nagsabi na unconstitutional ang 2024 GAA dahil sa P449.5 billion unprogrammed appropriations na isiningit sa Bicameral Conference Committee.
Ang nasabing halaga ay karagdagan sa P281.9 billion na inirekomenda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa pamamagitan ng Department of Budget and Management (DBM) sa Kongreso.
“The Supreme Court has to launch a comprehensive reform on our rules and procedures in budgeting and legislating if we want to plug wastage of public funds,” pahayag naman ni Bayan Muna chairman Neri Colmenares.
Ayon sa dating kinatawan ng Bayan Muna party-list, kailangan ito dahil namimihasa na aniya ang Kongreso sa pagsisingit ng mga probisyon sa mga ginagawang batas pagdating sa Bicam.
Sinabi ni Colmenares na hindi ito ang unang pagkakataon na pinalobo ng mga contingent ng Kamara at Senado sa Bicam ang unprogrammed appropriation dahil ginawa na rin nila ito sa 2023 national budget.
Dahil dito, kailangang putulin na aniya ang kalakarang ito sa Bicam sa pamamagitan ng Korte Suprema upang maprotektahan ang bawat sentimo ng pambansang pondo at hindi magamit sa interes lang ng iilang politiko.
Ipinagtanggol naman ni Albay Rep. Joey Salceda ang kanilang desisyon na dagdagan ang unprogrammed appropriation matapos ayunan umano ito ng DBM na kanilang kinonsulta muna.
“In response to my query, on December 14, 2023, the Department of Budget and Management wrote to my office clarifying, essentially, that the Unprogrammed Appropriations are not part of the fiscal program. As such, only the programmed appropriations are subject to the Article VI, Section 25 (1) of the Constitution, or the prohibition against increasing appropriations recommended by the President. In short, the DBM said Congress can increase the unprogrammed appropriations as proposed,” depensa ni Salceda.
(BERNARD TAGUINOD)
160