SEGURIDAD SA MGA DORMITORYO

MAKARAANG sumambulat ang balita hinggil sa pamamaslang sa isang kolehiyala sa loob mismo ng inuupahang dormitoryo sa Dasmariñas City sa lalawigan ng Cavite, usap-usapan sa social media ang seguridad ng mga estudyante.

Wala nang buhay nang matagpuan ang 24-anyos na si Leanne Duguesing, isang estudyante ng De La Salle University (DLSU) sa lungsod ng Dasmariñas. Bukod sa 14 na saksak sa katawan, halos wala nang saplot sa katawan ang 24-anyos na biktima sa loob ng silid ng dormitoryo.

Sa Metro Manila kung saan matatagpuan ang mahabang talaan ng mga kolehiyo at pamantasan, sampung doble ang dami ng mga dormitoryo na tinitirhan ng mga mag-aaral mula sa iba’t ibang lalawigan.

Gaano nga ba kaligtas ang mga dormitoryo laban sa masasamang elemento ng lipunan?

Sa nakalipas na mga panahon, tila nawaglit sa mata ng mga lokal na pamahalaan at maging sa prayoridad ng Department of Education (DepEd) ang pagbibigay ng angkop ng seguridad sa mga panuluyan ng mga mag-aaral.

Dangan naman kasi, nauso ang CCTV – na tila ipinalit sa mga unipormadong tagabantay, ang mga security guard.

Ang totoo, malaking bentahe ang mga CCTV na nakatutok sa bawat insidente sa bisinidad ng mga eskwelahan at mga tinutuluyan ng mga mag-aaral.

Ang problema nga lang, hindi sapat na proteksyon ang mga CCTV na wala naman kakayahang pigilan ang mga kriminal na pasukin ang mga dormitoryo.

Bukod sa krimen, nasa peligro rin ang buhay ng mga mag-aaral sa posibilidad na maipit sa sandaling mangyari ang sunog o pagyanig ng lupa bunsod ng lindol.

Ilan pa bang mga estudyante ang kailangang magbuwis ng buhay para gisingin ang tulog na malasakit ng DepEd, mga nakasasakop na lokal na pamahalaan sa mga negosyanteng nagmamay-ari ng panuluyan?

176

Related posts

Leave a Comment