SEN. BATO NAGTATAGO SA MEDIA IMBES NA HUMARAP SA QUAD COMM

MULING hinamon ng Quad Committee si dating Philippine National Police (PNP) Chief at ngayo’y Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na humarap sa kanilang imbestigasyon imbes na magtago sa saya ng media.

Kahapon ay muling ipinagpatuloy ng komite ang kanilang imbestigasyon kung saan tinalakay ang usapin sa ilegal na droga na kabilang sa tatlong isyung iniimbestigahan kabilang na ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at Extra-judicial killings (EJK).

“Ang ating senador Bato dela Rosa, nung tinanong siya, ayaw naman niyang humarap sa amin. Pinapaharap namin para maging malinaw ang lahat ng bagay. Anong ginagawa niya? Nagpupunta sa media. Kung anu-ano ang pinagsasabi niya,” ani Manila Rep. Bienvenido Abante Jr., isa sa chair ng nasabing komite.

Iginiit ng Kongresista na ang kanilang imbestigasyon ay hindi political motivated sa mga nabanggit na isyu tulad ng ipinapalabas ni Dela Rosa sa media tuwing nakakalkal ang kanyang papel sa war on drugs kung saan siya ang unang nagpatupad bilang unang PNP chief ni dating pangulong Rodrigo Duterte.

“Kung meron man ditong nagsasabi na we’re gathered here because of politics, gusto naming humarap siya dito para sabihin sa amin directly,” ayon pa sa kongresista.

Ipinaliwanag nito na hustisya ang hanap ng Kongreso para sa mga biktima ng EJK kung saan marami sa mga kasong ito ay hindi sangkot sa ilegal na droga subalit napatay o pinatay kaya naging ‘killing fields’ aniya ang bansa noong panahon nito sa PNP.

“Ayaw po nating mahulog ang bansa sa droga pero ayaw din natin ang buong Pilipinas maging killing fields, na pumatay tayo na hindi sinusunod ang Saligang Batas,” paliwanag pa ni Abante.
Subalit sa kabila ng pagdanak ng dugo aniya sa bansa ay hindi umano naresolba ang problema sa ilegal na droga bagkus ay lumala pa ito.

“Ang question dito ay ito: nawala ba? Hindi nawala ang droga, ganoon pa rin. Ang inaakala po namin dito ay baka naman tinanggal natin ang kumpetisyon para ang maiwan na lamang sa drug trade ay ‘yung mga nasa kapangyarihan,” ayon pa sa kongresista. (BERNARD TAGUINOD)

7

Related posts

Leave a Comment