SEN. BATO, PNP GENERALS DAMAY SA ICC PROBE

MALAKI ang posibilidad na madamay sa nakaambang kasong isasampa ng International Criminal Court kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mga itinalagang pangunahan ang pagpapatupad ng giyera kontra droga – kabilang si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na noo’y director-general ng Philippine National Police (PNP).

Sa pahayag ng mga progresibong kongresista sa Kamara, dapat din anilang imbestigahan, kasuhan at ipaaresto ng ICC ang mga nagpatupad ng kanyang madugong drug war na kumitil sa buhay ng hindi bababa sa 30,000 Filipino batay na rin sa datos ng human rights organizations.

“President Duterte and his cohorts cannot elude accountability for his crimes against humanity,” ani ACT party-list Rep. France Castro na nagpasaring sa mga kasama ng pangulo.

Sa mga panahong PNP chief si dela Rosa, naging palasak ang katagang “nanlaban” sa mga operasyon kontra-droga, bagay na itinanggi ng mga pamilya ng mga nasawi sa kamay ng pulisya. Dokumentado rin ang ilang insidente kung saan damay pati ang mga bata.

Bukod kay dela Rosa, possible rin makaladkad ang mga sumunod pang PNP chiefs kabilang ang mga retiradong sina Oscar Albayalde, Archie Gamboa, Camilo Cascolan at Debold Sinas na kamakailan lamang ay itinalaga ni Duterte bilang Secretary General ng National Security Council (NSC).

Taong 2016, itinalaga ni Duterte ang noo’y heneral na si dela Rosa para pamunuan PNP bilang director-general kasabay ng direktibang umpisahan giyera kontra droga. Pag-upo ni dela Rosa bilang PNP chief, naging kontrobersyal ang kampanya kontra drogang tinawag nitong “Oplan Tokhang” bunsod na rin ng kabi-kabilang patayan sa mga anti-illegal drug operations.

Base sa report ng PNP, mahigit 6,000 ang napatay sa mga police operations, bagay na kinontra ng mga human rights organizations na nagsabing aabot sa 30,000 ang bilang ng mga biktima ng extra-judicial killings sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Kasong crime against humanity ang kasong isinampa sa ICC ng mga pamilya ng mga pumanaw sa giyera kontra droga ng estado. Matapos ang ilang taon, iniutos na ang pormal na imbestigasyon sa Pangulo – isang balitang lubos na ikinalugod ng mga pamilya ng biktima.

Dapat tumestigo

Hinikayat din ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate ang mga saksi sa pagpatay sa mga hinihinalang adik na tumestigo upang makamit ang katarungan lalo na ang mga inosenteng nadamay lang sa drug war.

Bukod sa mga saksi, nanawagan din si Zarate sa iba pang may direktang kinalaman sa madugong operasyon, na lumantad upang hindi na sila madamay pa.

“We call on witnesses to testify in the ICC investigation and demand justice for the merciless killing of their loved ones. We also call on whistleblowers in the Duterte administration to also testify in the ICC investigation and clear your conscience,” ani Zarate.

Hinamon din ng mambabatas kay Duterte na makipagtulungan sa imbestigasyon ng ICC kung talagang pinaninindigan nitong wala siyang kinalaman sa mga bintang laban sa kanya.

“If he refuses to allow ICC investigators into the country, in the same way that he wants to stop the Senate investigation of the over-priced Pharmally transaction, it is reasonable for the people to conclude one thing—he is guilty,” dugtong pa niya. (BERNARD TAGUINOD)

168

Related posts

Leave a Comment