TARGET ni KA REX CAYANONG
MULING pinatunayan ni Senador Christopher “Bong” Go ang kanyang matibay na posisyon sa darating na halalan, matapos manguna sa pinakabagong Tangere pre-election survey na isinagawa mula Marso 11 hanggang 14.
Ayon sa naturang survey, nasa statistical tie si Go sa top spot na may 54% voter preference.
Ang resulta ng survey na ito ay patunay ng kanyang matatag na ranggo sa iba pang pre-election surveys noong Pebrero.
Sa pinakahuling OCTA Research poll na isinagawa mula Pebrero 22 hanggang 28, pumangalawa si Go na may 62% voter preference, na nagpapakita ng kanyang patuloy na suporta mula sa mga Pilipino, partikular na sa mga natulungan niya sa larangan ng serbisyong pangkalusugan, pampublikong tulong, at pagtugon sa mga sakuna.
Bukod sa Tangere at OCTA, nanguna rin si Go sa pinakabagong Pulse Asia survey na isinagawa mula Pebrero 20 hanggang 26, kung saan nakakuha siya ng 58.1% na suporta—ang kanyang pinakamataas na rating sa kasalukuyang election cycle. Ito ay isang makabuluhang pag-angat mula sa kanyang 50.4% rating noong Enero, kung saan siya ay nasa ikalawa o ikatlong puwesto.
Samantala, sa survey ng Social Weather Stations (SWS) noong Pebrero 15 hanggang 19, pumangalawa si Go na may 38% voter preference, isang pagtaas mula sa kanyang ikatlo hanggang ikaapat na posisyon noong Enero (37%) at Disyembre 2024 (32%).
Ang positibong mga resulta ng mga survey ay patunay ng patuloy na pagtangkilik ng publiko kay Go at ng kanilang pagkilala sa kanyang tapat at malasakit na serbisyo sa bayan.
Sa kabila ng mataas na ranking, nananatili siyang mapagpakumbaba at mas determinado pang pagbutihin ang kanyang paglilingkod.
“Lubos akong nagpapasalamat sa patuloy na suporta at tiwala na ibinibigay ninyo sa akin. Ang mas mahalaga para sa akin ay ang tunay na paglilingkod sa taumbayan,” ani Go.
Dagdag pa niya, “Uunahin ko ang interes ng bayan, uunahin ko ang kapakanan ng bawat Pilipino, at magseserbisyo ako sa abot ng aking makakaya dahil bisyo ko na ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos!”
Habang papalapit ang eleksyon, asahan ang mas maigting pang kampanya ni Go upang iparating ang kanyang mensahe ng malasakit at serbisyong tapat para sa bawat Pilipino.
