HINDI lamang sa mababang kapulungan ng Kongreso nagkaroon ng rigodon dahil maging sa partido ni Pangulong Rodrigo Duterte na PDP-Laban ay nagkaroon din ng reorganisasyon.
Kamakalawa ng gabi ay iniluklok bilang pangulo ng PDP-Laban si Sen. Manny Pacquiao kapalit ni Sen. Aquilino “Koko” Pimentel Jr. na ibinaba bilang executive vice chaiman.
Inalis naman ng partido ni Duterte bilang executive vice president si Pampanga Rep. Aurelio “Dong” Gonzales at ipinalit sa kanya si House Speaker Lord Allan Velasco.
PREPARASYON SA 2022?
Si Pacquiao ay nanalong senador noong 2016 election sa ilalim ng partido ni dating Vice President Jejomar Binay na United Nationalist Alliance (UNA) subalit tumalon sa PDP-Laban at ginawang party-leader sa Kamara.
Matunog na tatakbo si Pacquiao sa susunod na presidential election sa ilalim ng bago nitong partido at ayon sa mga political observer, preparasyon ang pagluklok sa kanya bilang pangulo ng PDP-Laban sa kanyang presidential bid.
Hindi kabilang sa PDP-Laban ang anak ni Pangulong Duterte na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na isa sa mga itinuturing na presidential contender sa 2022 election.
PACQUIAO-SOTTO?
Kasabay ng pagtatalaga kay Pacquiao bilang pangulo ng PDP-Laban, umugong din ang nakatakdang pagsasanib-puwersa ng kanyang partido at Nationalist People’s Coalition (NPC).
Ayon sa mga impormante, umatras na umano si San Miguel Corporation Chief Ramon S. Ang sa kanyang presidential bid at sa halip makikipag-alyansa ang mga ito sa PDP-Laban.
Dahil dito, mistulang lumilinaw na ang tambalan nina Pacquiao at Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa 2022 election.
Unang lumutang ang tambalan nina Sen. Panfilo Lacson at Sotto subalit wala umanong plano ang una na tumakbo sa darating na eleksyon kaya makikipag-alyansa ang NPC sa PDP-Laban. (BERNARD TAGUINOD)
