RAPIDO ni PATRICK TULFO
INAASAHAN nga ngayong araw (March 18, 2026) ay ilabas na ng Commission on Election (COMELEC) ang desisyon sa imbestigasyon kaugnay sa isinumiteng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) ni Sen. Rodante Marcoleta noong 2025 National Election.
Sa panayam ng Rapido kay Atty. John Rex Laudiangco, ang tagapagsalita ng COMELEC, masinsinan ang naging imbestigasyon ng COMELEC sa issue ng SOCE ng senador, matapos ngang umani ito ng maraming katanungan.
Ayon kay Atty. Laudiangco, sakaling mapatunayang lumabag si Sen. Marcoleta sa Omnibus Election Code at makasuhan ng perjury, maaaring ma-ban nang habambuhay ang senador sa pagtakbo sa anomang posisyon sa pulitika sa bansa.
Nakwestyon kasi kung paanong gumastos si Sen. Marcoleta ng nasa P139.9M noong nakaraang eleksyon, gayung nasa P51.9M lang umano ang kanyang assets and liabilities. Ipinaliwanag man ng senador na ang mga ito ay pawang mga donation, iginiit ng Ombudsman (na siyang nag-ungkat ng issue sa SOCE ng senador) na dapat idineklara ng senador kung sino-sino ang kanyang mga donor.
Maingat umano ang nagiging imbestigasyon dito ng COMELEC, upang ‘wag mabahiran ng pulitika ang kanilang magiging desisyon.
Ito marahil ay sa maraming kumukwestyon sa timing ng imbestigasyon, napapanahon din sa mainit na imbestigasyon ng Senado sa issue ng Kalayaan Group of Island, gayundin ang imbestigasyon sa flood control project kung saan sinasabing nag-aabogado umano ang senador sa mga Discaya.
Nakatutok ang taumbayan sa ilalabas na desisyon dito ng COMELEC at aasahan natin ang iba’t ibang reaksyon dito lalo na mula sa kampo ni VP Sara Duterte na kaalyado ni Marcoleta
87 