PAYAG si Senador Win Gatchalian sa limitadong face-to-face classes pero sa pamamagitan lamang ng “purok workshop” sa low risk area o sa lugar na wala o kakaunti ang kaso ng corona virus 2019 (COVID-19).
Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na kung unti-unting pinahihintulutan na magbukas ang mga negosyo, dapat magsagawa rin ng limitadong face-to-face classes sa pamamagitan ng “purok workshops.”
Ayon kay Gatchalian, sa “purok workshop,’ tutungo ang roving teachers o learning support aides sa mga purok upang magturo sa isang maliit na grupo ng mag-aaral na hindi lalagpas sa sampu.
Nilinaw niya na kailangan pa ring panatilihin ang health protocols tulad ng social distancing, pagsusuot ng face mask at palagiang paghuhugas ng kamay o paggamit ng alcohol.
Ayon kay Gatchalian, ang modelo ng kanyang panukala ay ang ‘learning pods’ na naging popular sa Estados Unidos kung saan tinitipon ang isang maliit na grupo ng mga mag-aaral upang magkaroon ng physical social interaction ang mga bata at mahikayat silang mag-aral sa kabila ng pandemya.
Binuo ang learning pods dahil maraming magulang ang nagsasabing nahihirapan ang kanilang mga anak sa distance learning.
Kung susuriin ang mapa ng COVID-19 tracker ng University of the Philippines noong Nobyembre 7, hindi lalagpas sa limang daang (500) munisipalidad ang walang aktibong kaso ng COVID-19.
Ibinahagi rin ni Gatchalian ang halimbawa ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). (ESTONG REYES)
