SENATOR-ELECT TULFO INILAPIT SA NBI MGA OFW, SENIORS NA NA-ESTAFA

HININGI ni Senator-elect Erwin Tulfo ang tulong ng National Bureau of Investigation (NBI) para sa mga OFW at senior citizen na nae- estafa ng kanilang mga naipong pera.

Sa miting nina Tulfo at NBI Dir. Jaime Santiago sa NBI headquarters sa Pasay City, sinabi ng mambabatas na hindi alam ng mga OFW at senior citizens na lumapit sa kanyang tanggapan kung papaano hahabulin ang mga nanloko sa kanila.

“Ang problema kasi ng mga OFWs natin hindi nila alam papaano habulin ang suspek dahil limited ang araw nila sa bakasyon dito sa ating bansa,” ani Senator-elect Tulfo.

“Ang mga seniors naman na naloko ay mahina na rin para habulin o hanapin ang mga nag-estafa sa kanila,” dagdag niya.

Hinikayat naman ni Dir. Santiago ang mga OFW at senior citizens na biktima ng mga scam na agad lumapit sa kanilang tanggapan.

“Bukas po lagi ang opis namin sa mga OFW at senior citizens na naloko ng mga sindikato at itinakbo ang kanilang ipon,” ayon kay Santiago.

Dagdag pa ng hepe ng NBI, “Magtutulungan po kami ng opis ni Sen. Erwin para matugunan ang mga problemang ito ng OFWs at seniors”.

Ayon kay Tulfo, problema ng OFWs ang kakulangan ng panahon para magsampa ng kaso dahil kailangan nilang agad bumalik sa trabaho sa abroad. Pero, ayon kay Santiago, may pamamaraan para mahuli o mahabol ang mga suspek sa madaling panahon.

Isang panukalang batas naman ang ihahain ni Tulfo pagpasok sa Senado sa Hulyo na magpaparusa ng habambuhay ng pagkabilanggo sa mang-e-estafa sa ipon ng mga OFW at senior citizen.

38

Related posts

Leave a Comment