QUEZON – Tinadtad ng bala ng armalite ng hindi kilalang gunmen ang isang senior citizen habang lulan ng kanyang kotse sa bayan ng Tiaong sa lalawigang ito, noong Huwebes ng umaga.
Kinilala ng Tiaong Police ang biktimang si Roberto Sumbillo Perez, 71, residente ng Barangay Del Rosario, Tiaong.
Ayon sa report ng pulisya, sakay ang biktima sa kanyang minamanehong kotseng Honda City na nakahinto sa gilid ng national highway sa Barangay Cabay at naghihintay sa tapat ng bahay ng kanilang kasambahay dakong alas-7:30 ng umaga.
Bigla na lamang umanong dumating ang isang kotseng Toyota Vios at bumaba ang isa sa mga sakay at saka niratrat ang matanda gamit ang mahabang kalibre ng baril.
Pagkaraan ay mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa direksiyon ng San Juan, Batangas.
Blangko pa ang mga pulis sa posibleng motibo sa krimen at kung sino ang mga suspek. (NILOU DEL CARMEN)
