KINUMPIRMA ng Malakanyang ang pagbibitiw sa puwesto ni SRA Administrator Hermenegildo Serafica na kagyat namang tinaggap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ang pagkumpirma mismo ni Executive secretary Vic Rodriguez sa usaping ito ay kasunod ng lumabas na dokumento ukol sa ginawang pagtanggap ng Malakanyang sa resignation nito na may petsang August 15, 2022.
Sa ulat, Agosto 10 pa naghain ng resignation letter si Serafica kasunod ng kontrobersiya na may kinalaman sa lumabas na SRA Resolution 4, importasyon sana ng 300,000 metric tons ng asukal.
Ito ay matapos na ihayag nang Malacañang ang iligal na pagpirma ng mga miyembro ng SRA at ni Department of Agriculture (DA) Undersecretary Leocadio Sebastian sa resulusyong importasyon ng 300,000 metric tons ng asukal.
Una nang nagbitiw sa pwesto si Sebastian.
Samantala, kinumpirma rin ni Rodriguez na tinanggap na rin ni Pangulong Marcos ang ginawang pagbibitiw ni dating SRA board member Atty. Roland Beltran.
Naghain si Beltran ng kanyang resignation letter nitong nakaraang Agosto 14 at tinanggap kahapon, Agosto 15, 2022 ng Punong Ehekutibo. (CHRISTIAN DALE)
