PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA
NOONG Lunes, February 2 ay Isinulong ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang mas inklusibong hanapbuhay sa lungsod matapos lumagda ng kasunduan ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila at Starbucks para palawakin ang “Work for Senior Citizens and PWDs” program.
Ayon kay Moreno, napatunayan na mas maayos ang samahan sa trabaho at mas maganda ang ugnayan sa kostumer kapag may mga nakatatanda sa hanay ng mga empleyado.
Binigyang-diin ng alkalde na matagal nang ginagawa sa ibang bansa sa Asya ang pagbibigay ng trabaho sa senior citizens, kaya’t kaya rin ito ng Pilipinas.
Aniya, panahon na para suklian ng lipunan at ng pamahalaan ang mga nakatatandang matagal nang nag-ambag sa komunidad sa pamamagitan ng disenteng hanapbuhay at dignidad.
***
Pinangunahan din ni Yorme Isko nitong Lunes, ang pamamahagi ng mga bagong kagamitang medikal at information technology sa 44 health center ng Lungsod ng Maynila bilang bahagi ng pagpapalakas ng serbisyong pangkalusugan at pagpapabilis ng operasyon sa mga pasilidad.
Dumalo sa turnover ceremony sina City Health Officer Dr. Grace Padilla, Assistant City Health Officer Dr. Ed Santos, mga hepe ng 44 health center, at mga pharmacist ng lungsod.
Kabuuang 300 kagamitan ang ipinamahagi na binubuo ng 100 ECG machine, 100 laptop, at 100 printer, na ipamamahagi sa iba’t ibang health center sa buong lungsod.
Ayon kay Domagoso, isinulong ang pamamahagi matapos niyang personal na makita ang kalagayan ng ilang kagamitang ginagamit sa mga health center, partikular ang mga ECG machine na luma na at may mga pansamantalang ayos.
“Pag binibisita ko kayo sa health center, pag na-cha-chamba ko may Scotch tape na yung iba ninyong ECG machine. At least you have now extra, dalawa bawat isang health center. Kwarenta’y kwatro kayo. Tapos may itatabi pa tayong natira kung may masira, dahil matagal ang procurement,” ani ni Isko.
Ibinahagi rin ng alkalde na kailangan na ring i-upgrade ang mga gamit sa opisina ng mga health center matapos mapansin na may ilan pang gumagamit ng luma at mabagal na computer system.
“Napapansin ko MS-DOS pa yata yung ibang computer natin. Kaya magde-deliver tayo ng 100 laptops at 100 printers sa mga health center,” aniya.
Ayon kay Domagoso, tugon ang mga kagamitang ito sa mga kahilingang matagal nang isinusulong ng mga kawani ng health center, at patunay umano na pinakikinggan at tinutugunan ng pamahalaang lungsod ang kanilang pangangailangan sa kabila ng limitadong pondo.
“Gusto kong maramdaman ninyo na may tainga ang liderato ng lungsod. Habang may pumapasok na pondo, sinisikap nating gastusin ito nang maayos at ma-convert bilang serbisyo para sa taumbayan,” dagdag ni Moreno.
Tiniyak din ng alkalde ang kanyang buong tiwala sa mga namumuno sa 44 health centers at hinikayat silang ipagpatuloy ang tapat na paglilingkod bilang pangunahing frontliner ng sistemang pangkalusugan.
“Kayo talaga ang frontline ng healthcare—bago pumunta sa ospital at pagkatapos galing sa ospital, sa inyo bumabalik ang pasyente,” ani Domagoso.
Binigyang-diin pa ng alkalde na nananatiling prayoridad ng lungsod ang kalusugan sa ilalim ng programang Minimum Basic Needs (MBN) na kinabibilangan ng pabahay, edukasyon, healthcare at trabaho.
“Ang pinakamalaking bahagi ng pondo ng pamahalaan ay ilalaan sa pamumuhunan sa tao. Kapag maayos ang apat na ito, tataas ang kalidad ng pamumuhay ng ating mga kababayan,” saad ni Isko.
Nagpasalamat si Domagoso sa mga health worker at tiniyak na patuloy na makatutuwang ng pamahalaang lungsod ang mga ito sa pagpapabuti ng serbisyong pangkalusugan sa Maynila.
***
Sa panahong maraming Pilipino ang hirap bumangon mula sa sunod-sunod na dagok ng inflation, kawalan ng trabaho, at kakulangan sa oportunidad, may isang tanong na paulit-ulit na bumabalik: hanggang kailan aasa sa ayuda?
Sa Maynila, tila malinaw ang sagot ng kasalukuyang administrasyon – hindi sapat ang tulong na panandalian; mas kailangan ang kakayahang tumayo sa sariling paa.
Ito ang diwa ng kamakailang turnover ng TESDA livelihood toolkits na pinangunahan nina Mayor Isko Moreno Domagoso at Vice Mayor Chi Atienza sa Bulwagang Villegas. Hindi ito simpleng pamamahagi ng kagamitan. Isa itong malinaw na pahayag ng direksiyon: kabuhayan, hindi limos.
Sa ilalim ng bisyon ng alkalde na tutukan ang “Minimum Basic Needs” ng bawat Manileño, pormal na pinagtibay ang ugnayan ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila, TESDA, Manila Manpower Development Center, at Universidad de Manila. Ang mensahe: ang solusyon sa kahirapan ay kasanayan na may saysay sa totoong buhay.
Tumpak ang sinabi ni Mayor Isko, ang bawat toolkit ay puhunan. Hindi ito dekorasyon sa bodega o kagamitan na maghihintay ng ilang buwan bago magamit. Ito ay kasangkapang maaaring agad ipanghanapbuhay, mula sa baking at pastry-making hanggang sa beauty services.
Para naman kay Vice Mayor Chi Atienza, matagal na niyang paninindigan ang ganitong uri ng programa. Sa kanyang pananalita, malinaw ang paniniwala: ang tunay na laban kontra kahirapan ay edukasyon sa kasanayan. Hindi sapat ang diploma kung walang kakayahang kumita. At kung may kakayahan na, dapat may puhunan.
Mahalaga ring tandaan ang papel ng Manila Department of Social Welfare at UDM sa mabilis na implementasyon ng programa. Sa ilalim ng OIC Director Jay Dela Fuente at UDM President Dr. Felma Carlos-Tria, tiniyak na ang mga kagamitan ay agad mapakikinabangan ng mahigit 350 kasalukuyang enrollees at libo-libo pang susunod.
Hindi rin maliit na bagay ang pahayag ng TESDA NCR na ang proyektong ito ay maaaring makinabang ang 5,000 hanggang 7,000 learners. Ang binibilang na ngayon ay hindi na lang trainees, kundi mga pamilyang may inaasahang kita.
Dito pumapasok ang tunay na sukatan ng bilis-kilos. Hindi lang sa seremonya, hindi lang sa photo op, kundi sa aktuwal na epekto: may natutong bagong kasanayan, may nagkaroon ng puhunan, at may umusad ang buhay.
Sa huli, ang tanong ay hindi kung maganda ang programa, kundi kung magpapatuloy. Dahil ang kabuhayan, tulad ng pangarap, ay hindi minsanan. Kailangan nito ng direksyon, disiplina, at tuloy-tuloy na aksyon.
Kung ganito ang anyo ng serbisyo – mabilis, may malinaw na layunin, at may konkretong resulta—baka nga unti-unti nating masagot ang matagal nang tanong: paano tunay na umaangat ang isang lungsod?
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.
3
