SERBISYONG MODERNO AT PANANAGUTAN SA PAMAHALAAN, ISINUSULONG NI ASENSO PINOY REP. INDY OAMINAL

TARGET ni KA REX CAYANONG

HINDI maitatanggi na sa gitna ng patuloy na hamon sa serbisyong pangkalusugan at pamamahala sa bansa, mahalagang makita ang mga lider na hindi lamang nagmumungkahi ng pagbabago kundi aktibong kumikilos upang maisakatuparan ito.

Isa sa mga ganitong hakbang ang isinusulong ni Asenso Pinoy Representative Atty. Indy Oaminal na naglalayong gawing mas moderno, episyente, at responsable ang sistema ng pamahalaan.

Sa pagdinig ng House Committee on Health, binigyang-diin ni Oaminal ang pangangailangang i-modernize ang mandatory immunization program ng bansa.

Lumalabas sa datos ng Department of Health na nasa 64 porsyento pa lamang ang immunization rate ng mga bata. Ibig sabihin, marami pa ring kabataang Pilipino ang nananatiling lantad sa mga sakit na maaaring maiwasan sa pamamagitan ng bakuna.

Upang matugunan ito, iminungkahi ni Oaminal ang mas malawak na paggamit sa sistema ng Early Childhood Care and Development Council.

Sa pamamagitan ng ugnayan ng ECCD sa DOH, Department of the Interior and Local Government, at Department of Education, maaaring mapalawak ang distribusyon ng bakuna at masiguro na walang batang Pilipino ang mapag-iiwanan sa proteksyon laban sa mga sakit.

Hindi lamang sa kalusugan nakatuon ang mga hakbang ni Oaminal.

Suportado rin niya ang panukalang Digital Payments Act, isang LEDAC priority measure na naglalayong gawing mas mabilis at mas maayos ang transaksyon sa pamahalaan.

Sa paggamit ng e-wallets at QR Ph para sa pagbabayad ng buwis at permit, mababawasan ang mahabang pila at red tape na matagal nang reklamo ng mamamayan at negosyante.

Kasabay ng modernisasyon ng serbisyo ay ang mahigpit na panawagan para sa pananagutan.

Kinuwestiyon ni Oaminal ang mga opisyal ng Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines hinggil sa malalaking utang na hindi agad naaksyunan.

Sinasabing sa kaso ng DBP, ang prinsipal na utang na P574 milyon ay lumobo na sa halos P1.6 bilyon.

Aba’y sa pagsusulong ng mas malawak na immunization program, digital na sistema ng pagbabayad, at mahigpit na pagbabantay sa pondo ng gobyerno, ipinakikita ni Rep. Oaminal na ang tunay na layunin ng pamamahala ay ang isang sistemang mabilis, makabago, at may tunay na pananagutan sa sambayanang Pilipino.

39

Related posts

Leave a Comment