SEXUALITY EDUCATION IAKMA SA EDAD

NANINDIGAN si Senador Pia Cayetano na mahalaga ang sexuality education sa kabataan subalit dapat itong itugma sa edad.

Kasabay nito, iginiit ni Cayetano na para sa kanya ang tamang edad sa pagtuturo nito ay kapag alam na ng isang bata ang tawag sa lahat ng parte ng katawan ng tao.

Binigyang-diin pa ng senador na nakapaloob na rin sa Reproductive Health at Responsible Parenting Law ang age-appropriate reproductive health education.

Nilinaw naman ni Cayetano na hindi siya kontra sa isinusulong na Senate Bill 1979 o ang proposed Adolescent Pregnancy Prevention Act subalit kinausap na anya niya si Senador Risa Hontiveros kaugnay sa mga nais niyang baguhin sa panukala.

Malinaw anya ang target ng panukala na maresolba ang tumataas na kaso ng teenage pregnancy na kahit maging sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Education Secretary Sonny Angara ay aminadong hindi dapat maging bulag sa problemang ito.

Ipinaalala pa ng senador na mas mabuting maituro sa tamang paraan ang paksa sa halip na makuha pa ito ng mga bata sa social media. (DANG SAMSON-GARCIA)

60

Related posts

Leave a Comment