SINALAKAY ng mga miyembro ng PNP Drug Enforcement Group Special Operation Unit ang isang apartment na ginawang kitchen type drug laboratory, matapos isuplong ng Lalamove rider, alas-6:00 ng gabi noong Huwebes sa #9029 Sampaguita St., Kabisig Block 1, Floodway, Cainta, Rizal.
Arestado ang isang babae na kinilalang si Khystyn Almario Pimentel, 30, nagtatrabaho sa isang curriculum quantic sa Taytay, Rizal, tubong Davao City.
Natagpuan sa nasabing drug laboratory sa nabanggit na bahay ang walong plastic sachet naglalaman ng mahigit libong ecstasy na may iba’t ibang kulay, marijuana kush, iba’t ibat bote na naglalaman ng pure acetone na umano’y sangkap sa paggawa ng shabu, isang plastic sealer, apat na bundle ng empty plastic sachet, isang big size transparent plastic sachet na naglalaman ng shabu, at dalawang pirasong small transparent plastic sachet na naglalaman ng shabu.
Batay sa report ni P/Lt. Col. Glenn Gonzales kay Dir. Gen. Richard Lee ng PDEG, may isang lalaki ang nagpa-book sa Lalamove para magpa-deliver ng mga biscuit sa Maynila.
Nang dumating ang Lalamove rider, agad inabot ang orange bag na naglalaman umano ng mga biscuit. Tinangka itong buksan ng rider ngunit pinigilan siya ng lalaki.
Bunsod nito, nagduda ang rider kaya ini-report sa Cainta Police at nang buksan ito ay bumulaga ang laman nitong ilegal na droga.
Dahil dito, agad itinawag ito sa PDEG at sinalakay ang nasabing apartment na natuklasang mayroon palang kitchen type drug laboratory.
Gayunman, nakatakas ang sinasabing lalaki, sakay ng isang SUV na nahagip ng CCTV sa nabanggit na lugar. (KNOTS ALFORTE)
