SHORTCUT NA PAGBILI NG HOSPITAL EQUIPMENT, SUPPLIES ISINULONG

ISANG panukalang batas na magso-shortcut sa pagbili ng mga kagamitan at supplies para sa government hospitals, ang inihain ng anak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na si House Senior Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos.

Sa House Bill (HB) 8531 na inakda ng kongresista, nais nitong amyendahan ang Section 4 ng Republic Act No. 9184 o “Government Procurement Reform Act” upang hindi na dumaan sa mahabang proseso ang pagbili ng mga kagamitan na makapagsasalba ng buhay.

Sa ilalim ng nasabing batas, kailangang idaan sa bidding process ang lahat ng mga kagamitan na nais bilhin ng gobyerno, kasama na ang hospital supplies and equipment upang maiwasan ang katiwalian at maproteksyunan ang pera ng taumbayan.

“In the procurement of hospital supplies and equipment, one common complaint is that due to the lengthy period for the processing of documents, as well as the papers required from the supplier to the hospital, life-saving supplies and equipment are not expeditiously secured and the suppliers are not promptly paid,” ayon sa panukala ng batang Marcos.

Dahil dito, isinusulong ng mambabatas na amyendahan ang nasabing batas upang hindi na dumaan sa mahabang proseso ang hospital supplies at equipment, oxygen, gamot, testing kits, cleaning materials, surgical equipment at lahat ng mga magamitan sa pagsasalba ng buhay.

Noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic, kasabay ng pagsasailalim ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa state of health emergency sa bansa, hindi na idinaan sa bidding process ang pagbili ng medical kits at gamot laban sa nasabing virus.

“But since the pandemic emergency regulatory regime has basically lapsed, government procurement has to go through again with usual procedures under RA 9184,” ani Marcos, kaya kailangan aniyang amyendahan ang nasabing batas upang malibre sa mahabang proseso ang pagbili ng mga kailangan ng Department of Health (DOH).

Magugunitang natuklasan na batbat ng anomalya ang pagbili ng equipment at supplies ng Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) dahil maraming kumpanya na walang kakayahan ang pinaboran ng nasabing ahensya tulad ng Pharmally Pharmaceutical Corporation na hindi na dumaan sa bidding process, sa pagbili ng mga COVID-19 medical kits, supplies at mga kagamitan. (BERNARD TAGUINOD)

177

Related posts

Leave a Comment