CLICKBAIT ni JO BARLIZO
PAGTANTIYA lang daw para sa pinakamasamang mangyayari ang projection na ang isang kilo ng karneng baboy ay sisirit hanggang P580 habang ang manok ay P349 kung lalawig pa ang sigalot sa Middle East.
‘Yan ang pampakalmang pahayag ng Department of Agriculture (DA).
Nilinaw ng ahensiya ang sitwasyon na tila hula lang, ngunit hindi nawawala ang agam-agam ng publiko dahil may pagtaas na sa presyo ng karneng baboy sa mga palengke.
Eto pa. Hindi rin kakapusin ng supply ng liquefied petroleum gas (LPG) sa parating na mga buwan, ayon sa LPG Marketers Association.
Aabot ng 35 hanggang 45 araw ang supply ng LPG sa bansa.
Wala ngang mangyayaring shortage pero budget ng konsyumer ang kakapusin.
Tumaas daw kasi ang gastos sa pagpapadala. Ang resulta: malamang tumaas ng P30 kada kilo ang LPG kaya aabot sa P1,400 hanggang P1,500 ang presyo kada tangke.
Ihanda na ang mga panggatong at kalan de uling.
Kaso, mahal na rin ang uling at kahoy ng ipil-ipil. Huwag nang gumamit ng gas para magningas ang panggatong, papel na lang.
May maganda sanang alternatibo sa LPG, kung mayroong pambili ng induction stove. Ay mahal na nga rin pala ang kuryente.
Mahal ang karne at magmamahal din ang panluto.
Sabagay, kahit anong hirap pa ang dumating kakayanin ‘yan ng Pinoy. Kilala tayong resilient, ano pa man ang sitwasyon. Sa gitna nga ng baha, nakangiti pa rin.
Sa totoo lang, pansinin n’yo ‘yun mga gigil na gigil sa sitwasyon ngayon. ‘Di ba ‘yun mga politiko? Sila ang nagpa-panic dahil ang mga ordinaryong mamamayan noon pa man survival mode na tuwing gigising sa umaga. Kumbaga, wala nang bago. Natural na mahal ang pamasahe, pagkain, at mga bayarin na patuloy rin tumataas pero ang sahod ganun pa rin.
Pero ‘yun mga mambabatas natin d’yan taranta sila kung maubusan ng gas. Paano nga naman nila gagamitin ang kanilang sampu o benteng sasakyan kung wala nang gasolina? May mga pa-convoy pa mga ‘yan ‘pag lumakad. At ang pamamasyal at shopping ng kanilang mga pamilya, problema ‘yan sa kanila. Kaya sila ang mga numero uno dapat nagtitipid lalo na ‘yun sandamakmak ang security. Ang lalakas lumamon ng gas kada lakad ng mga ‘yan.
Tutal, Semana Santa naman kaya para makatipid ay mangilin sa paggunita ng Holy Week, ang huling linggo ng kuwaresma.
Ito ay panahon ng paggunita, pagninilay at pagbabalik-loob sa Panginoong Diyos.
Ipinapaalala nito sa atin ang paghihirap, pagpapakasakit at pagkamatay ni Hesus para matubos ang kasalanan ng sangkatauhan.
Sa panahon ng Semana Santa, mahirap bang isantabi ang problema at magnilay-nilay para sa pagbabago?
Ang sakripisyo ng mga tao ay walang binatbat sa kalbaryo ni Hesukristo.
Ang Kanyang pagpapakasakit, paghihirap, pagdurusa ang ilan sa mga dahilan kung bakit ganito tayo – nagdiriwang ngunit hindi ganap na batid at ramdam ang saysay.
Ang pagkilala kay Hesus ay kasangkapan ng pagbabago at mensahe ng katotohanan.
Ang sakripisyo ni Hesukristo ay nakikita natin sa mahihirap, sa mga inaapi, nagdurusa, nahihirapan, sa mga nagdadalamhati at nagluluksa.
Ito ang larawang hindi kailangan ng pagbabago.
84 