(CHRISTIAN DALE)
ASAHAN nang ipatutupad ang “no vaccination, no ride/no entry” policy sa mga pampublikong transportasyon sa National Capital Region (NCR) simula sa Lunes, January 17.
Ang kautusan na ito ni Transportation Secretary Art Tugade ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na higpitan ang magiging galaw ng mga indibidwal na hindi bakunado laban sa COVID-19 sa Metro Manila.
Batay sa inilabas na Department Order (DO), sinabi ni Tugade na epektibo ang nasabing polisiya habang umiiral ang COVID-19 Alert Level 3 o mas mataas na alert level sa NCR.
Kaugnay nito, nagpasa rin ang Metro Manila Council ng isang resolusyon para himukin ang iba’t ibang lokal na pamahalaan sa NCR na magpatupad ng ordinansa hinggil sa mas mahigpit na panuntunan sa mga hindi bakunado.
Sinasabing magiging epektibo ang DO makaraang maisapubliko sa Official Gazette o mga pahayagan at matapos makapagsumite ng kopya sa Office of the National Administrative Register, U.P. Law Center.
“All concerned attached agencies and sectoral offices of DOTr are directed to ensure that operators of public transportation shall allow access or issue tickets only to ‘fully vaccinated persons’ as evidenced by a physical or digital copies of an LGU (Local Government Unit)-issued vaccine card, or any IATF-prescribed document, with a valid government issued ID with picture and address,” ang nakasaad sa DO.
Makikita rin sa DO na maikokonsidera bilang fully vaccinated laban sa COVID-19 ang isang indibidwal dalawang linggo matapos makatanggap ng second dose, tulad ng Pfizer o Moderna vaccines, o dalawang linggo matapos ang single-dose vaccine tulad ng Janssen vaccine ng Johnson & Johnson.
Sinasabing exempted naman sa “no vaccination, no ride” policy ang mga indibidwal na may medical condition na pumipigil sa buong COVID-19 vaccination, base sa medical certificate na may pangalan at detalye ng kanilang doktor at mga indibidwal na bibili ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, tubig, gamot, medical devices, public utilities, energy, trabaho, at medical and dental necessities, base sa barangay health pass o iba pang katibayan ng pagbiyahe.
Pinaboran
ng kampo ni BBM
Kaugnay nito, nagpahayag ng suporta ang kampo ni presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. sa nasabing aksyon ng pamahalaan.
Sa pahayag ng tagapagsalita ni Marcos na si Atty. Victor D. Rodriguez, hindi maipagkakaila ang pagtaas ng hawahan sa COVID-19 ngayon kaya kinakailangan din ng pamahalaan na isipin ang kaligtasan ng publiko.
“The order of the Department of Transportation (DOTr) to enforce a “no vaccination, no ride/no entry” in the National Capital Region is certainly founded on sufficient valuable data that are available in its possession.
As much as we sincerely adhere and agree to these enhanced restrictions on the movement of unvaccinated persons, we also earnestly urge the government to further expand and bring the national vaccination program against COVID-19 closer to the people, if possible, to their very doorsteps,” pahayag ni Rodriguez.
Bagaman kinakailangan aniyang kumayod ng mga tao upang may maipantustos sa pamilya, kailangan namang balansehin ng pamahalaan ang kalusugan at ekonomiya.
