POSIBLENG matuloy na ang plano ng Department of Education (DepEd) na paglulunsad ng face-to-face classes sa kalagitnaan ng implementasyon ng sistemang distance learning dahil nagpasya ang Senado pabor dito.
Subalit, nilinaw ng Senado na dapat isagawa ito ng DepEd sa mga paaralang sakop ng mga lugar na mababa ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa nakalipas na mga buwan.
Ang hakbang ng Senado na tinawag nitong “pilot testing” ng pagbabalik ng face-to-face learning method ay nakasaad sa Proposed Senate Resolution No. 663 (PSR 663) na ipinasa nitong Martes.
“It is important to consider that not all households have the same resources and access to internet. Moreover, allowing teachers to see their students face-to-face, even on an intermittent schedule, will enable greater opportunities to check on the learning progress of the students and to provide needed instructional supervision and interventions,” paliwanag ni Senate President Vicente Sotto III nang isponsoran niya ang resolusyon.
Inihayag din ni Sotto na : “[T]he customary face-to-face classes prevent gaps and remove the inequality between those students who can afford an effective remote education and those in the marginalized sector”.
Nagdesisyon ang mataas na kapulungan ng Kongreso dahil sa pananaw ng ilang senador na hindi lubos na natututo ang mga mag-aaral sa sistema ng pag-aaral, sa pamamagitan ng online at ipinadadalang modules sa mga estudyante.
Itinuloy ni DepEd Secretary Leonor Magtolis Briones ang distance learning noong Oktubre 5 habang nananalasa ang COVID-19 sa bansa dahil sa pananaw na mayroon pa ring matututunan ang mga estudyante kahit kaunti kaysa ipatigil ito nang tuluyan.
Ngayon pa lamang naganap ang distance learning na pinairal sa buong public basic education system.
Sa mga nakalipas na taon, nagpatupad ang Polytechnic University of the Philippines (PUP) ng online study sa kanilang tinatawag na “open university” na nakalaan lamang para sa Graduate School.
Sa simula ay napansing mayroong mga pagkukulang tulad ng katapatan ng mga mag-aaral sa pagsagot sa mga pagsusulit na ibinibigay ng mga guro.
Ngunit, nilutas ng mga guro ang depekto sa kalaunan para na rin sa pag-angat ng kalidad ng mga estudyante ng Graduate School. (NELSON S. BADILLA)
200
