SINDIKATO NG OFFLOAD GANG SA NAIA

MAGALING din talagang tumayming ang ilang tiwaling mga empleyado sa pamahalaan.

Iyong iba kasing dorobo sa gobyerno ay sinasamantala ang pagiging abala ng halos buong bansa sa kinalabasan ng halalan.

Ito kasing kampo ng Dilawan na nagkukunwaring Pinklawan ay hindi pa rin matanggap ang pagkatalo kaya kung ano-anong mga kabulastugan pa rin ang mga pinaggagawa nila hanggang ngayon.

Pati nga iyong ­thanksgiving rally kuno sa Ateneo ay ginawa pang sobrang hype at doon ay patuloy pa rin ang mga patutsada nila at paglalagay ng duda sa walang kaduda-dudang panalo ni incoming President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos ­laban sa kulelat na si Leni Robredo.

Sa madaling salita, sa halip na magbalik na sa normal na buhay ang mga tao ay may mga elemento pa ring kumikilos para gawing magulo ang sitwasyon.

Of course, alam naman natin na bahagi ito ng isang grand scheme nila na piliting mapatalsik si BBM sa puwesto gaya ng ginawa nila noong 1986 kay dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Pero balik tayo sa talagang paksa ng kolum na ito kaugnay ng mga kabulastugan at ­anomalyang nangyayari ngayon sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.

Katulad na lang sa Ninoy Aquino International Airport na kailan lang ay nabalot ng ­kontrobersya dahil na rin sa iba’t ibang modus operandi ng mga tiwaling kawani roon.

Noong panahon ni Noynoy Aquino ay naging notorious na ito dahil sa tanim bala at tanim droga na ginagawa ng korap na mga empleyado roon.

Nito naman panahon ni Digong ay sumambulat ang raket ng ‘Pastillas’ at escorting kung saan ay ilang tiwaling mga ­empleyado ng Bureau of ­Immigration ang sinibak.

Dahil sa pagsibak na ginawa ni Digong ay medyo nanahimik sandali ang NAIA, pero ngayon ay bumalik na naman ang sindikato at ang raket ngayon ay iyong tinatawag na offloading.

Ayon sa reklamo ng mga nabiktima ng tinatawag na ‘Off­load Gang’, ang modus daw ng mga kumag na taga Bureau of ­Immigration ay pababain ang mga pasahero na papuntang ibang bansa, kahit nasa loob na ng ­eroplano at kumpleto naman sa mga dokumento at pumasa na sa mga initial na steps ng pagbiyahe.

Maaari lamang umanong makaalis ang biktima lalo na iyong mga turista kung magbibigay ng mula sa P30K hanggang P150K na padulas.

Sa mga chat group tulad ng Stop Injustice – Bureau of Immigration NAIA , makikita roon ang sandamakmak na reklamo ng mga nabiktima ng Offload Gang na pinaka talamak daw sa NAIA Terminal 3.

Napipilitan umanong magbayad sa Offload Gang ang mga biktima kaysa naman mabalewala lahat ang mga nagastos na nila sa visa at mga tiket nila sa eroplano.

“With the ongoing repeated offloading na ginagawa ng ­Immigration Officers sa Pinas. Mas mabuti pa siguro baguhin nila ang system check sa mga pinoy passengers if they are ­really serious on screening us. Para walang visas at airline ­tickets ang masasayang, bakit ‘di nila tayo pa-applyan sa office nila for a travel clearance ­bringing the documents they require,” sabi ng isang miyembro ng chat group.

Base sa mga ulat na nakarating sa atin ay sobrang dami na ang nabiktima ng Off­load Gang na ito kaya naman panahon na para imbestigahan ito ng pamunuan ng BI at kung kinakailangan ay ni Pangulong Digong mismo.

Mukha kasing naghahapit ang mga kumag na ito dahil alam nilang anumang oras ay maaari na silang mapalitan sa puwesto kaya fund raising na talaga ang lakad nila.

432

Related posts

Leave a Comment