PINABULAANAN ng Manila Electric Co. (Meralco) ang paulit-ulit na paratang ng grupong Bayan Muna at Matuwid na Singil sa Kuryente na labis-labis ang sinisingil nila sa kanilang mga kostumer.
Kamakailan ay hinikayat ni Bayan Muna Cong. Carlos Zarate na paspasan ng Kamara ang pag-iimbestiga sa Meralco hinggil sa diumano’y sobra-sobrang paniningil nito na nagkakahalaga ng P66 bilyon.
Ayon kay Joe R. Zaldarriaga, vice president at tagapagsalita ng Meralco, “Ang singil ng Meralco sa kanilang mga customer ay hindi labis sa itinakda ng batas at sa inaprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC).”
Ani Zaldarriaga, walang katotohanan ang mga alegasyon ng dalawang grupo. “Hindi naisalawaran ng dalawang grupo ang buong katotohanan sa kabila ng kanilang paggamit ng mga nakuhang impormasyon mula sa website ng Meralco. Ang mga paratang na ito’y hindi lamang luma at paulit-ulit nilang hinahayag ilang buwan na ang nakalipas, kundi pawang kasinungalingan para malinlang ang publiko.”
Gaya ng aming nakaraang tugon, dagdag ni Zaldarriaga, ang Meralco ay bukas sa anomang pagsisiyasat. “Handa kami na sagutin ang kanilang mga alegasyon sa naaangkop at tamang forum, subalit dapat din ay may respeto sila sa tamang proseso na naaayon sa batas at hindi pawang paninira lamang. Patuloy ang Meralco sa pagiging bukas sa publiko, sa pamahalaan at sa pagbibigay ng impormasyong hiniling at kinakailangan ng kinauukulan.”
Dagdag ni Zaldarriaga, ang singil ng Meralco ay dumaan sa masusing proseso ng pagsisiyasat ng ERC kaya ang kanilang mga alegasyon ay walang katotohanan at puro haka-haka lamang.
Tiniyak ni Zaldarriaga sa publiko na hindi sobra-sobra ang sinisingil ng Meralco sa mga customer nito.
“Sa katunayan, inanunsyo nitong nakaraang buwan ang pagbaba ng singil, ang ikawalong buwan na pagbaba ngayong taon na nagresulta sa kabuuang pagbawas sa singil na 1.35 pesos kada kWh mula nang magsimula ang 2020. Ang kabuuang singil ngayong taon ay nasa pinakamababang antas sa loob ng tatlong taon mula noong Setyembre 2017 at isa sa pinakamababa kumpara sa ibang distribution utilities sa buong bansa. Kaya lubos na nakapagtataka at kaduda-duda na patuloy ang Bayan Muna sa kanilang pag-atake at pagkuwestyon sa singil ng aming kumpanya.”
Iginiit ni Zaldarriaga na ang operasyon ng Meralco ay alinsunod sa lahat ng naaangkop na mga patakaran, regulasyon, at alituntunin. Patuloy kaming nagtatrabaho sa buong magdamag upang matiyak ang maaasahang pamamahagi ng kuryente sa aming mga customer, lalo na sa gitna ng hamon ng pandemya. (JOEL O. AMONGO)
