LUBHANG ikinabahala ng isang militanteng kongresista sa napipintong paggamit ng “veto power” ng paretirong Pangulong Rodrigo Duterte sa panukalang batas na nagbibigay ng dagdag-benepisyo sa mga single parents.
Paniwala ni Gabriela partylist Rep. Arlene Brosas, muling malalagay sa kompromiso ang kapakanan ng mga single parents sa hangarin ng administrasyong Duterte na magtipid para makalikom ng salaping pambayad sa mga pagkakautang ng bansa.
“Hindi pwedeng isantabi ang matagal nang panawagang dagdag benepisyo para sa solo parents para sa pagtitipid ng gobyerno at pagbabayad ng utang. President Duterte should immediately sign the law or let it lapse on June 4,” giit ni Brosas.
Sa datos ng Kamara, makailang ulit nang inihain Sa Kongreso ang panukalang dagdag-benepisyo sa mga magulang na mag-isang itinataguyod ang kani-kanilang pamilya. Gayunpaman, bagamat naipasa sa 18th Congress ang naturang panukala, nagbabadya naman ang paggamit ng veto power ng Pangulo sa hangaring makalikom ng pondong pambayad utang.
Sa ilalim ng ipinasang expanded solo parent act, P1,000 buwanang subsidiya sana ang matatanggap ng mga pobreng solo parents, bukod pa sa 10% diskwento sa mga pangunahing bilihin tulad ng gamot, gatas, school supplies, damit at iba pa.
Bahagi rin ng naturang panukala ang pitong-araw na parental leave para sa mga working single parents.
“We need to grant tax exemptions and additional benefits for solo parents, especially in this very difficult time. A struggling mom or dad can hardly make ends meet amid rising prices and lack of state subsidies,” pagtatapos ni Brosas. (BERNARD TAGUINOD)
