SINO ANG TAKOT SA MAHARLIKA INVESTMENT FUND?

OPEN LINE Ni BOBBY RICOHERMOSO

MARAMING kritiko ng ­gobyerno ang biglang naging instant financial analysts dahil sa panukalang pagbubuo ng tinatawag na Maharlika Investment Fund (MIF).

Ang nasabing programa ay isinusulong nina House Speaker Martin Romualdez at Presidential son Rep. Sandro Marcos kasama ang iba pang mga kongresista.

Naging mainit na isyu ang MIF dahil na rin sa pag-alma ng maraming kritiko ng pamahalaan na nagsasabing maaaring maging dahilan ito ng malawakang korapsyon at pagbagsak ng state pension funds gaya ng SSS at GSIS.

Sa madaling salita bagama’t tila maganda naman ang layunin ng planong pagbubuo ng sovereign fund, may nagtutunggaliang ideya lalo pa at tila may bahid ng Marcosian branding ang nasabing proyekto.

Unang-una nanggagalaiti ang mga kritiko ng administrasyon dahil sa pangalan na Maharlika Investment Fund.

Dangan kasi alam ng ­marami na ang salitang maharlika ay nakakabit sa mga adhikain ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr., para sa lahing Pilipino noong panahon ng kanyang panunungkulan.

Kaya naman para sa mga instant analysts ay may bahid ng pulitika ang plano, kaya naman pulitika rin ang ugat ng kanilang pagtutol sa planong state investment fund.

Para sa akin ay dapat mabigyan muna ng masusing pag-aaral ang panukala at kung makatitiyak naman na maaalagaan ito nang maayos at makatutulong para sa mas mabilis na pag-unlad ay marapat lamang na ituloy ito.

Sa isang panayam ­kamakailan ay sinabi ni Government Service Insurance System (GSIS) President at General Manager Arnulfo “Wick” Veloso, na makatutulong ang MIF para sa adhikaing nation-building ni PBBM.

“Ang Maharlika po ay isang long-term investment. At ang layunin po nito ay hindi lang po magkaroon ng investment ngunit magkaroon din po ng tulong for national development,” sabi ni Veloso sa Radyo Pilipinas.

Pinawi rin niya ang pangamba na maaaring mauwi lang sa korapsyon ang MIF sa pagsasabing transparent ang lahat ng mga desisyon at hakbang kaugnay dito.

Bukod pa sa pamamahalaan ito ng Board of Directors na kumakatawan sa iba’t ibang mga sector at grupo na siyang sisiguro na ang pondo nito ay gagamitin lamang sa investments at proyekto na tiyak na kikita para sa kapakanan ng publiko.

Bilang bahagi ng pag-iingat, ang MIF Board ay kakatawanin ng mga miyembro na mula sa private at public sectors, sa ilalim ng Congressional Oversight Committee at ang libro ay sisilipin ng isang internationally accredited auditing firm.

Dahil mismong si Veloso na ang nagsalita at nagpahayag ng kumpiyansa hinggil sa viability at mga bentahe ng MIF, dapat naman siguro ay mabigyang pagkakataon din itong mabuo bago natin husgahan.

Tiyak ko ang mga kritiko lang naman ng pamahalaan ang ayaw dito sapagkat kapag nagtagumpay ito ay tiyak na malaking dagok ito sa layunin nilang sirain at pabagsakin ang liderato ni PBBM.

240

Related posts

Leave a Comment