SINO PROTEKTOR NG CLOUD TRAVEL SA BI?

BAGO pa man nabuking ang modus ng mag-asawang Sharon at Peter Paul Lai ng Cloud Travel Consultancy Corp. ay maraming Chinese ­nationals na umano ang ­naging biktima ng mga ito na ­nabigyan ng fake documents kagaya na lamang ng fake visa upon arrival at DFA Endorsement upang makapasok bilang POGO workers sa bansa.

Ayon sa ating source mula sa NAIA ay kasabwat umano nina Sharon at Peter ang ilang mga opisyal ng Bureau of Immigration Travel Control Enforcement Unit o BI-TCEU upang makapasok sa bansa na hindi na sisitahin ang mga pekeng dokumento ng mga pasaherong Chinese.

Maging noong nagsimula na ang pandemic ay sobrang lakas umano ng Cloud Travel sa mga tauhan ng TCEU dahil hindi na dumadaan ang kanilang pasahero sa 14-day quarantine?

Bakit kaya ganito kalakas sa BI ang Cloud Travel, sino ang kanilang protektor?

Commissioner Jaime Morente Sir! Paki imbestigahan nga rin kung bakit matapos makansela ang accreditation ng agency noong 2020 dahil sa mga pekeng dokumento ay muling nabigyan ito ng lisensya upang makapasok at makapag-transact ng papeles sa loob ng BI?

Atty. Archie Cano alam mo ba ito? Ikaw ba ang nagbigay sa Cloud Travel ng lisensya?

Para po sa kaalaman ng ­publiko ay huwag natin isisi sa Chinese nationals kung bakit napakarami na nila sa bansa. Naniniwala ako na dapat ay isisi natin ito sa mga tiwaling opisyales ng BI sapagkat sa kanilang pagpasok pa lamang ay malaki na ang kanilang inilalabas na pera sa airport maging sa kanilang Visa application sa legal division at kung sila pa ay huhulihin ng intelligence ay panibagong lagayan na naman at gastos hanggang sila ay makapagpiyansa. Kumbaga sila ay iginigisa sa sariling mantika.

Samantala, matapos ang ­ating pambibisto sa raket ng ilang tiwaling opisyales ng BI-TCEU ay patuloy pa rin umanong ginagawa ang pagpapalusot ng mga ito ng OFWs at Tourist sa Cebu ­International Airport kahit kulang ang mga ito ng travel documents kagaya ng Overseas Employment Certificate.

Dahil sa kahirapang nararanasan sa buong mundo partikular sa ating bansa ay mas ninanais ng mga OFW na maglagay na lamang sa mga tiwaling opisyales ng BI-TCEU?

Mas tumaas umano ang ­presyo ngayon ng sindikato sa NAIA maging sa Mactan Airport sa halagang 100k bawat ­pasahero? Kung may katotohanan ito, bakit kaya ganito kalakas ang loob ng ilang taga TCEU sa Cebu? Itaning kaya natin sa head na si ­Palma Gil? Mayroon kayang parating ang mga opisyales ng ­BI-TCEU sa NAIA na si Timmy Barizo at kung totoong may basbas ito ni Barizo sino naman ang opisyal na nasa kanyang likod?

Bakit kaya ganito katibay ang sikmura ng mga tiwaling opisyales ng BI-TCEU? Mabuti at nasisikmura nilang ipakain sa kanilang pamilya ang perang ­galing sa dugo’t pawis ng ating mga kababayan na nais lamang na ­mabigyan ng magandang buhay ang kanilang mga pamilya.

Para sa inyong mga Sumbong at Reaksyon maari ninyo akong itext sa 09158888410.

152

Related posts

Leave a Comment