Sisilipin sa Kamara PULITIKA SA PATAYAN SA CALBAYOG

(BERNARD TAGUINOD)

BUBUSISIIN sa Kamara ang kaugnayan sa pulitika ng mga kaso ng pagpatay sa lungsod ng Calbayog kasunod ng pagkakapatay kay Mayor Ronaldo Aquino nitong Lunes ng hapon.

Naghain na ng panukala si Samar 1st District Congressman Edgar Mary Sarmiento para imbestigahan ang kontrobersyal na pagpatay kay Aquino at sa ilang tauhan nito.

Sa House Resolution (HR) na inihain ni Sarmiento, nais nitong atasan ang House committee on public order and safety na manguna sa imbestigasyon upang malaman ang motibo at sino ang nasa likod ng pagpatay kay Aquino.

Nakasaad din sa resolusyon ni Sarmiento na bago pinatay si Aquino ay may dalawang barangay captain ang magkahiwalay na pinatay ng mga hindi kilalang salarin kaya hindi nito isinasantabi ang posibilidad na may kinalaman ito sa pulitika sa kanilang probinsya.

 

NABUKING

Himutok ng mambabatas, mismong ang pulis na dapat nagpapatupad ng peace and order ang nasa likod ng pagpatay kay Mayor Aquino na nalaman lamang dahil nakaganti ng putok ang mga biktima bago binawian ng buhay.

“Whereas, according to various witnesses, the perpetrators opened fire on the vehicle of Mayor Aquino and his companions, which forced the companions of the mayor to retaliate and return fire,” ayon sa Resolution.

Dahil dito, napatay rin ang 3 pulis na kasama sa pag-ambush umano kay Aquino na kinilalang sina Captain Joselito Tabada, chief ng Samar Provincial Drug Enforcement Unit, Staff Sergeant Romeo Laoyon ng Provincial Intelligence Unit at Staff Sgt. Neil Ceby na naka-assign sa K9 Unit ng Samar Police Provincial Office.

“Kung hindi nakaganti sina mayor hindi nalaman na pulis ang umambush,” ani Sarmiento.

Naniniwala ang mambabatas na kung walang nalagas sa hanay ng mga umambush kay Aquino ay hindi makikilala ang mga salarin tulad ng nangyari sa kaso ni dating Mayor Reynaldo Uy na pinatay noong 2011.

 

21 TAMA NG BALA

Kaugnay nito, nagsimula nang kumilos ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) matapos atasan ni PNP Chief General Debold Sinas para tumulong sa imbestigasyon sa pagkamatay ni Mayor Aquino at limang iba.

Sa panayam ng mga mamamahayag kay Gen. Sinas, sinabi nito na makakasama ng CIDG sa imbestigasyon ang Police Regional Office 8 at ang Internal Affairs Service (IAS).

Nanindigan pa rin si Sinas na hindi ambush ang nangyari kundi shootout.

Tahasan naman itong ibinasura ng kampo ni Mayor Aquino.

Kwento nila, binangga umano sa likuran ang SUV na sinasakyan ng alkalde saka nagbabaan ang pitong kalalakihan mula sa isang Toyota Hilux at Ford Everest at pinaulanan ng bala ang mga biktima.

Sa pahayag ni Mark Aquino, panganay na anak ng alkalde sa Teleradyo … “Tatlong wave ang pagbaril nila sa papa ko. Una po, 4 na tao ang bumaril. And then nung naubos ang bala, nag-change mag sila. Tapos ‘yung 3 naman ang bumaril.”

Imposible rin umanong ang mga napaslang ang naunang nagpaputok dahil hindi nakaputok ang mga security ng alkalde na umano’y naunang tinamaan sa unang bugso ng putukan.

Sinasabing sa inisyal na autopsy ay mahigit dalawampung tama ng bala ang inabot ng alkalde dahil binalikan pa umano ito ng mga suspek at muling pinagbabaril para masigurong patay na ito.

 

“TAMA NA, PATAY NA”

Sinabi rin ng batang Aquino sa panayam na ang kanyang ama ang nakaganti ng putok at nakapatay sa dalawang pulis na umatake, ayon sa pahayag ng personal aide nito na nakaligtas sa ambush.

“Si papa ang nakaganti. Ang personal aide niya tinamaan sa ulo.

Buhay po. ‘Yun ang magpapatunay ng buong istorya,” ayon pa sa anak ng mayor sa nasabing TV interview.

Ayon umano sa mga nakasaksi, matapos ang pamamaril ay isa sa mga salarin ang sumilip sa loob ng van at nagsabing: “Okay na, patay na.”

“Ibig sabihin kilala nila si mayor…Tama na, OK na, patay na. Ibig sabihin intensyonal ang pagpatay nila kay mayor,” ayon sa batang Aquino.

“Iyon ang pinagtataka ko po. Kung totoong legitimate operation ‘yun, ano ang ginagawa ng mga pulis doon bago dumating si mayor at bakit po sila nagtago nung dumating ang mga rumespondeng pulis?” dagdag pa ng anak ng alkalde.

Nagtatag na ang PNP ng isang special investigation task group para siyasatin ang insidente.

Sa panig ng alkalde, kabilang sa mga nasawi ang close-in security detail nito na si Police Senior Sgt. Rodio Sario; ang driver nitong si Dennis Abayon; Police Capt. Joselito Tabada; Police Senior Sgt. Romeo Laoyon; at isang sibilyan na kinilalang si Clint John Paul Yauder.

“There are evidences, there are facts that can’t be denied. So sad to note that the father of the city, of Calbayog was slain or murdered by rogue elements of the Philippine National Police,” pahayag naman ni Rep. Sarmiento sa ANC.

“I’m hoping that justice will be given to him. Again, this is a well-planned thing. For me, this is still an ambush,” ani Sarmiento.

Ayon kay PNP-PRO8 regional police director BGen. Rolando De Jesus, all accounted na ang mga pulis na sangkot sa sagupaan at kasalukuyang nasa kustodiya na ang mga ito ng kani-kanilang commanders habang tumatakbo ang imbestigasyon.

Pagtiyak naman ni Sinas, walang cover up at magiging patas ang imbestigasyon ng SITG Aquino.

Bukas din umano ang PNP at handang makipagtulungan sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation. (JESSE KABEL)

250

Related posts

Leave a Comment