EXTENDED hanggang Agosto 31 ang skeleton workforce sa mga tanggapan ng pamahalaan sa Kalakhang Maynila.
Inatasan ng Malakanyang ang lahat ng tanggapan ng pamahalaan at instrumentalidad nito sa Metro Manila na nasa ilalim ng Ehekutibong sangay ng gobyerno na ipagpatuloy lamang ang skeleton workforce hanggang sa nasabing petsa.
Ang nasabing kautusan ay nakapaloob sa Memorandum Circular (MC) 88 na tinintahan ni Executive Secretary Salvador Medialdea, Biyernes, Agosto 20.
Magugunitang nang unang lagdaan ang MC 88 noong Agosto 4 ay nakasaad na kailangang siguraduhin ng lahat ng mga tanggapan na nasa ilalim ng executive branch ang bilang ng kanilang empleyado na pisikal na magre-report sa trabaho ay hindi bababa sa 20% hanggang Agosto 20.
Ang Metro Manila ay isinailalim sa “most restrictive enhanced community quarantine (ECQ) mula Agosto 6 hanggang 20.
Sa Kasalukuyan, sa ilalim ng MC 88, ang lahat ng government agencies at instrumentalidad nito sa Metro Manila ay inatasang manatili na “fully-operational” hanggang Aug. 31, “subject to the on-site capacity and work-from-home arrangements.”
Sa kabila naman ng banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) at kasunod ng pagbaba ng quarantine status, kailangang ipagpatuloy ng mga tanggapan ng gobyerno ang pagde-deliver ng public services, ayon sa memorandum circular.
“To ensure continuity of government service, the skeleton workforce shall not be less than 20 percent on-site capacity at any given time, with remainder being under work-from-home arrangements,” ang nakasaad sa kautusan.
Ang MM sa ngayon ay nasa ilalim ng “more relaxed” modified ECQ (MECQ) hanggang Agosto 31.
Pinapayagan naman na mag-operate “in full on-site capacity” ang mga ahensiya na nagbibigay ng health and emergency frontline services, laboratory at testing services, border control, at iba pang critical services. (CHRISTIAN DALE)
