SMB mahuhubaran ng PH Cup title?

BISPERAS ng pagdiriwang ng ika-45 season ng PBA, may isang mamamahayag ang nagtanong sa kanyang panulat kung anong koponan sa 12 miyembro ng ligang propesyonal ang makapipigil sa San Miguel Beermen?

Naitanong din ng sumulat kung may koponang may kapasidad na pigilan ang SMB sa pagdomina sa prestihiyosong Philippine Cup na animo’y pribadong pag-aari na nila.

Nagsimula ang Season 45 ng PBA noong Marso 8 kung kailan nilampaso ng Beermen ang kapatid na koponang Magnolia Hotshots, 94-78. Nagsilbi itong hudyat na determinado ang team na dagdagan pa ng isang taon ang paghahari sa All-Filipino Conference.

Hanggang sa dumating ang COVID-19 pandemic na nagbunsod sa pamahalaan na kanselahin ang lahat ng sports event sa bansa. At bagama’t pinahintulutang magbukas muli ay tila ang bubble na ito lamang ang kailangan para masagot ang tanong kung mananatili sa Beermen ang All-Pinoy title.

Makaraan ang dalawang linggo sa loob ng bubble, dalawang sunod na talo agad ang natamo ng mga bata ni coach Leo Austria para mamiligro ang tangka nilang maka-six-peat.

Sa tanong kung mapipigilan ang mga koponang pag-aari ni RSA (Ramon S. Ang) na makopo ang mga torneo sa PBA, hindi pa ito malinaw sa dahilang ang Barangay Ginebra ay kabilang sa mga top team na posibleng magmana ng koronang maaaring makawala sa Beermen.

Kasama sa mga ­nangungunang koponan ngayon ang TNT Tropang Giga na pag-aari ng Manny V. Pangilinan Group, na may 5-0 panalo-talong ­kartada; Rain or Shine, 3-1; at Meralco at Phoenix na gaya ng Beermen ay may 3-2 rekord.

Bago magpandemya, natunghayan ng mga panatikong tagasunod ng liga na SMB, Ginebra at Magnolia na dating Purefoods at lahat ay pag-aari ng RSA Group, lamang ang nagpapalitan sa paghawak ng korona sa Commissioner’s Cup at Philippine Cup.

Ang dating Tropang Texters lamang sa grupo ni MVP ang nakalasap ng titulo at ito ay ilang taon na ang nakalilipas.

Samantala, ang RoS Elasto Painters ang kahuli-hulihang nakahawak ng korona nang mapanalunan nila ang 2016 Commissioner’s Cup.

Sa pagtatapos kaya ng bubble ay makakita ulit tayo ng bagong maghahari sa PBA, o mananatili pa rin itong dominado ng San Miguel Corporation?
ABANGAN!

125

Related posts

Leave a Comment