IGINIIT ni Senate President Vicente Tito Sotto III ay walang konstitusyunal at legal na basehan ang panawagan para sa snap elections.
Kasunod ito ng panawagan ni Senator Alan Peter Cayetano na magbitiw ang lahat ng mga nakaupong opisyal ng gobyerno mula sa Kongreso hanggang sa Malakanyang para mabigyang daan ang pagdaraos ng snap elections.
Ang tanong ni Sotto, kung ano ang sasabihin ng mga bagong halal na malinis ang mga record sa panunungkulan sa gobyerno dahil damay sila sa marumi o sa mga sangkot sa katiwalian.
Samantala, iginiit ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na hindi snap elections kundi katiyakan sa parusa ang susì sa pagpapanumbalik ng tiwala ng publiko sa gobyerno.
Binigyang-diin ni Lacson na ang halalan, snap man o regular, ay maaari pang magdulot ng mas malalang katiwalian dahil sa pagbili ng boto ng ilang kandidato na kadalasan gamit ang pondo ng bayan.
Iginiit ng senador na mas mabisang paraan ang katiyakan ng parusa – lalo na ang bilis ng paghatol – upang takutin at mapigil ang mga tiwaling opisyal.
‘Wishful Thinking’
“It is just his wishful thinking,” tugon ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
Ayon kay Castro, wala umanong panahon ang Pangulo para sa mga ideyang may halong pamumulitika.
“Abala ang Pangulo na magtrabaho para sa bayan at tulungan ang mga naapektuhan ng lindol at bagyo.
Wala po siyang oras sa mga ganitong klaseng pamumulitika. Mag-focus po tayong lahat sa pangangailangan ng mamamayan, hindi sa mga pansariling interes lang,” ani Castro.
Bagama’t wala pang opisyal na tugon mula sa Malacañang, ilang kaalyado ng administrasyon ang bumatikos sa ideya ni Cayetano, na tinawag nilang “political theater.”
Gayunman, ilang observers ang nagsabing sumasalamin ito sa lumalaking pagkadismaya — hindi lang ng publiko, kundi maging ng ilang nasa loob mismo ng gobyerno.
Panlihis sa Isyu
Tinawag ng Makabayan bloc na isang “panggulo at panglihis” ang panukalang snap election ni Sen. Alan Peter Cayetano, sa gitna ng lumalawak na isyu ng katiwalian sa flood control projects at kawalan ng tiwala ng publiko sa mga namumuno sa bansa.
“This is typical obfuscation of the issue of corruption,” ayon sa Makabayan bloc na kinabibilangan nina ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Kabataan Rep. Renee Co, at Gabriela Rep. Sarah Elago.
Bukod kay Cayetano, nanawagan din ang Partido Demokratiko Pilipino (PDP) ng snap election kung ayaw ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na bumaba sa puwesto sa gitna ng mga alegasyon ng katiwalian.
“Cateyano is trying to divert the focus from corruption accountability to snap elections, giving the illusion that corruption can be addressed simply through the electoral process that is still dominated by political dynasties and corrupt politicians,” sagot dito ng nasabing grupo.
Hindi anila mareresolba ang panawagan ng sambayanan na panagutin ang mga nagnakaw ng bayan ng bayan sa pamamagitan ng snap election kaya hindi dapat patulan ng mamamayan ang mungkahi ng senador.
Wala rin sa probisyon ng 1987 Constitution ang pagpapatawag ng snap election.
(DANG SAMSON-GARCIA/CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)
