DAHIL nagiging ‘salot’ na umano ang mga nagpapakalat ng fake news sa social media, kinokonsidera ng Tri-Committee sa Kamara na gumawa ng batas para ipatupad ang pagpaparehistro sa lahat ng mga account na nakikita ngayon sa social media.
Sa press conference kahapon, isiniwalat ni House Deputy Majority Leader Francisco Paolo Ortega V na isa sa mga tinalakay sa caucus ng nasabing komite ay ipaparehistro ang lahat ng social media account, lalo na’t marami umano sa mga ito tulad ng mga naglipanang troll ay itinatago ang pagkakakilanlan nila.
“Noong may caucus ang mga members ng Tri-Comm na it’s the same thing with the sim (subscriber identity module) registration act, siguro kailangan mayroon na rin tayong social media registration para maiwasan natin iyong mga ganito. Siyempre pag-aaralan naman iyan,” ani Ortega.
Ang komite ay nagsasagawa ng imbestigasyon sa paglaganap ng fake news kaya ipinatawag nito ang mga kilalang mga vlogger subalit karamihan sa mga ito ay hindi naman dumadalo sa pagdinig ng komite at sa halip ay tumakbo sila sa Korte Suprema bilang depensa sa kanilang posisyon.
Sinabi ni Ortega na sa kabila nito, ipagpapatuloy aniya ng Tri-Comm ang pagdinig at magsasagawa din iyo ng konsultasyon para sa binubuong panukala at magkaroon ng pananagutan ang mga troll na nagpapakalat ng fake news.
“Kasi it’s getting bigger and bigger na parang nagiging sakit, nagiging salot na. So, hindi ba it’s better to be real, it’s better to be genuine, it’s better to be you rather than the fake you. Ako lang ito, tama,” anang mambabatas.
Nilinaw naman ni Bataan representative Geraldine Roman na hindi lamang ang mga politiko ang biktima ng fake news kundi ang mga negosyante, mga estudyante at maging ang ordinaryong mamamayan kaya kailangang ipagparehistro ang mga social media account sa lahat ng mga media platform dahil nagiging wild-wild west na aniya ang social media.
“Kapag may registry ka, kung mayroon kang several accounts, register mo ‘yan, pangatawanan mo, bigyan mo ng pangalan o kahit mayroon kang nom-de-plume o iyong pseudonym, dapat registered. Para hindi naman iyong ‘Diyos ko Lord’, parang wild, wild west ang ating social media,” pagtukoy ni Roman.
Iginiit din ng mambabatas na kailangang magkaroon ng physical office ang lahat ng mga social media company tulad ng Facebook, YouTube at iba pa sa Pilipinas dahil sa ngayon ay nakabase ang mga ito sa ibang bansa. (PRIMITIVO MAKILING)
