SOLIDARITY/PRAYER RALLY NG PRO-DUTERTE KASADO NGAYONG SABADO

MAGSASAGAWA ng malaking solidarity/prayer rally ang mga tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ngayong Sabado ng hapon, Marso 15.

Ang prayer rally para sa pagkakaisa ay isasagawa ng mga nakikisimpatya at mga tagasuporta ng dating pangulo mula sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ang mga dadalo ay magtitipon-tipon at magmamartsa patungo sa Liwasang Bonifacio sa Maynila.

Magsasagawa rin ng motorcade patungo sa nasabing venue ngunit ang hindi makakasama sa motorcade ay pinayuhan na dumiretso na lamang sa Liwasan bandang alas-3 ng hapon.

Samantala, pinaalalahanan ang mga makikiisa sa solidarity/prayer rally na magsuot ng green o black shirts at magdala ng flags o flaglets at maglagay ng green ribbon bilang pagpapakita ng suporta sa dating pangulo.

Pinayuhan din ang supporters na magdala ng anomang pananggalang dahil sa inaasahang mainit at maulan na lagay ng panahon.

Huwag na umanong magdala ng backpacks at malalaking bags para sa kadahilanang panseguridad.

Ngunit maaaring magdala ng bottled water, pagkain at trash bag para mapanatiling malinis ang venue.

Maaari namang magdala ng karatula na may nakalagay na “I stand with PRRD” o “I am NOT a Filipino for nothing”.

Umapela rin ang organziners sa mga supporter na panatilihing payapa at maayos ang solidarity/prayer rally bilang suporta sa disiplina at magalang na pag-uugali at sundin ang event marshals at security personnel sa lahat ng oras.

Tiyakin din umano na nasa maayos na kalusugan bago dumalo sa pagtitipon ngunit kapag hindi maayos ang kalagayan ay hinimok na makiisa na lang online.

“Most importantly, let’s pray together for unity and strength for our nation,” pahayag pa ng organizers. (JOCELYN DOMENDEN)

3

Related posts

Leave a Comment