POSIBLENG malaglag si Supreme Court (SC) Associate Justice Mario Victor “Marvic” Leonen sa kasong ‘betrayal of public trust” na isa sa dalawang kaso na nakapaloob sa impeachment complaint na inihain laban sa kanya ni FLAG secretary-general Ed Cordevilla.
Ito ang tinuran ng isang beteranong mambabatas sa mababang kapulungan ng Kongreso kaugnay ng dalawang kasong isinampa ni Cordevilla laban kay Leonen na kinabibilangan ng culpable violation of the Constitution.
“Sa dalawang kasong iyan, mukhang may paglalagyan si Justice Leonen sa betrayal of public trust kung totoong hindi siya nag-file ng kaniyang SALN,” ayon sa kongresista na hindi na nagpabanggit ng pangalan kapalit ng impormasyong ito.
Base sa isinampang kaso ni Cordevilla, 15 taon na hindi naghain ng kanyang SALN si Leonen habang nagtatrabaho ito sa University of the Philippines (UP) kung saan ang huling posisyong hinawakan nito ay dean ng UP Law.
Hindi kasama sa mga taong ito ang dalawang taon nito sa Aquino administration kung saan itinalaga siya bilang government chief negotiator sa peace talks sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) mula 2010 hanggang 2012.
“If we are to follow Section 8 of Republic Act No. 6713, otherwise known as the “Code of Conduct and Ethical Standards for Public Official and Employees, it is clear that respondent violated the law by failing to file his SALN for 15 years,: from 1989-2003 and 2008-2009,” ayon sa impeachment complaint ni Cordevilla.
Ayon sa impormante, sa ganitong kaso nadale sina dating chief justice Renato Corona at Maria Lourdes Sereno matapos hindi maipakita ang kanilang mga inihaing SALN bago sila na-appoint sa SC.
“So kung hindi nakalusot sina Chief Justice Renato Corona at Sereno sa SALN, baka hindi rin makalusot si Justice Leonen dyan. The law applies to all ika nga nila,” pahayag pa ng impormante.
Sa ngayon ay hindi pa iniendorso sa House committee on justice ang impeachment complaint ni Cordevilla laban kay Sereno na ayon kay Deputy Speaker Rufus Rodriguez ay posibleng pagbalik na lang ng sesyon ng Kongreso sa Enero 18 ito pagtutuunan ng pansin dahil sa kakapusan na ng oras.
Ngayon araw, December 16, ay adjourn na ang session ng Kamara para sa Christmas break. (BERNARD TAGUINOD)
