KINUMPIRMA ni Senate President Pro-Tempore Ralph Recto na nakatakdang bumili ang Department of Health (DOH) ng personal protective equipment (PPEs) na nagkakahalaga ng P819 milyon sa 2022 at umaabot sa P1,079 kada isang set.
Sa pahayag, sinabi ni Recto na kabilang ang P819 milyong pondo na ipambibili ng PPEs sa 2022 national budget na isinumite ng Palasyo sa Kongreso.
Dahil dito, hiniling ni Recto sa DOH na iwaksi ang pangyayari na magbabayad ito sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) o sa Philippine International Trading Corp. (PITC) upang bumili.
“Kung ipa-pasa-buy mo sa dalawa, baka walang nang COVID, hindi pa nabi-bid,” ayon kay Recto.
“DOH na bumili. Mga doktor at nurses nila ang gagamit. Sila ang nakakaalam kung ano ang maganda. Asking PS and PITC to buy is like asking a clueless male to buy the best woman’s bra,” dagdag pa ng senador.
Sinabi ni Recto na kapag mismong DOH ang bibili ng PPEs, makatitipid siya sa hindi pagbabayad ng komisyon sa PS o PITC na maaaring itaas ang presyo ng hanggang 5%.
“The DOH could avoid delays in procurement by doing pre-procurement groundwork ahead of the enactment of the 2022 national budget,” ayon kay Recto.
Hiniling din niya sa DOH na bumili sa Filipino producer ng world-class medical-grade coveralls, masks at iba pang PPEs. (ESTONG REYES)
