(BERNARD TAGUINOD)
SI Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang dapat mauna sa kanyang iniutos na lifestyle check sa lahat ng mga opisyal ng ilang ahensya ng gobyerno na may kinalaman sa flood control project.
Ayon ito kina ACT Teacher party-list Rep. Antonio Tinio at Kabataan party-list Rep. Renee Co.
Bagama’t sinusuportahan umano ng dalawang mambabatas ang kautusan ng Pangulo, mas kapani-paniwala anila kung siya ang maunang sumailalim sa lifestyle check dahil sa sistematikong corruption sa ilalim ng kanyang administrasyon.
“Marcos should be the first one since he has confidential and intelligence funds and has control over the implementation of the entire budget as chief executive,” ayon kay Tinio.
Si Marcos ay may P4.5 billion CIF ngayong taon at ganito rin ang makukuha niyang pondo sa susunod na taon subalit walang ideya anila ang publiko kung papaano ito ginagamit ng Pangulo.
“The President cannot absolve himself from corruption investigations simply by subjecting others to the same process. As the chief executive who controls billions in confidential and intelligence funds with zero transparency requirements, Marcos bears ultimate responsibility for the culture of corruption that has flourished under his watch,” dagdag pa ni Tinio.
Sinabi naman ni Co na bukod sa mga Marcos ay dapat ding maunang isailalim sa lifestyle check ang pamilya ni dating pangulong Rodrigo Duterte na pawang nanunungkulan ngayon sa gobyerno.
“Ang mga Marcos at Duterte ang dapat unang sumalang dito,” ani Co dahil tulad ng mga Duterte ay hindi umano isinasapubliko ni Marcos ang kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
“Sa totoo lang mabibilang lang sa kamay ang naglalabas ng SALN na opisyal,” dagdag pa ng mambabatas.
“Hindi pwedeng mag-lifestyle check lang sa iba habang ang pinakamataas na opisyal ay nagtatago ng kanyang yaman at hindi transparent sa kanyang mga transaksyon,” ayon pa kay Co.
Nauna rito, iniutos ng Pangulo ang lifestyle check sa lahat ng mga opisyal sa gitna ng imbestigasyon patungkol sa maanomalyang flood control projects.
Kasabay nito, binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang tuluy-tuloy na pag-check sa mga record ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay sa mga maanomalyang proyekto.
“Unang-una po, hindi po natin makakaila na mayroong mga DPWH officials na sinasabing involved at malamang ay magsimula sila doon,” ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
“Ongoing din ang investigation ng pamahalaan upang matukoy ang mga nasa likod ng mga proyektong dapat sana ay makakatulong sa solusyon ng malawakang pagbaha sa bansa,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, sinabi ni Castro na ang ginagawang pag-iimbestiga ng Pangulo sa usaping ito ay hudyat na rin para sa ibang government agencies gaya ng COA, BIR, LGUs, Bureau of Customs na magkaroon ng pag-iimbestiga rito.
“Marami po tayong nakikita na maraming nagkakaroon ng luxury cars, malamang ay dapat makita rin po ito ng BOC kung ito po ba ay bayad sa mga taxes na required; at sa mga LGUs po, kung makikita po natin na itong mga contractors na ‘to, mga kontratista na ‘to ay napakalaki ng mga proyekto at malaki ang kanilang kinikita, tingnan po nila kung ito po ay naaayon din sa mga mayor’s permit or business permit na kanilang binabayaran sa LGUs, pati po sa BIR,” litanya ng Pangulo.
“So, ito pong pag-iimbestiga ng Pangulo ay hudyat sa bawat ahensiya na gawin din nila ang kanilang trabaho upang mag-imbestiga patungkol dito,” ayon pa rin kay Castro.
Sa ngayon aniya ay umabot na sa 11 proyekto ang personal na ininspeksyon ng Pangulo. Ito’y mga proyekto sa Marikina, Iloilo, Bulacan at Benguet ilang araw matapos na matanggap ang mga reklamo sa sumbongsapangulo.
(May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)
