Sosyalan, inuman pinatututukan ni Eleazar SOCIAL MEDIA GAGAMITIN LABAN SA MGA PASAWAY

SA tulong ni Philippine National Police (PNP) chief, General Camilo Pancratius Cascolan, inatasan ng Joint Task Force COVID Shield ang lahat ng police commanders at kanilang mga tauhan na regular na i-monitor ang social media para matukoy ang mga lumalabag sa quarantine protocols.

Ayon kay P/Lt. Gen. Guillermo Eleazar, commander ng JTF COVID Shield, sa social media madidiskubre ang mga paglabag sa pinaiiral na minimum health safety standard protocols gaya ng mass gathering para lamang makipag-inuman, dumalo sa mga pagtitipon at magsiksikan habang nakikipagsosyalan.

Ani Eleazar, marami sa mga naka-post sa social media gaya ng Facebook, ay sadyang ipinaskil para magyabang sa mga dinaluhan nilang pagtitipon habang mayroon namang nag-post para ihayag ang galit o magsumbong hinggil sa paglabag sa minimum health standards na pinaiiral ngayong panahon ng pandemya.

Mayroon din umanong Facebook pages na nagpo-post ng mga litrato o video ng quarantine protocol violations sa mga lansangan na nahuli ng Closed Circuit Television (CCTV) cameras at dashcams.

“The social media are full of photos and evidence of hardheaded people deliberately violating the quarantine protocols. These can be used as pieces of evidence to warn, to fine and to summon the people concerned in coordination with the barangay officials concerned,” ani P/Lt. Gen. Eleazar.

Kasama rin sa mga regular na larawan at video na ipinapaskil sa social media ang mga paglabag ng motorcycle pillion riding at mga litrato at bidyo ng mga nag-iinuman.

Babala pa ng heneral, ang mga mahuhuling sangkot sa drinking sessions ay posibleng maharap sa dagdag na kaso kung may umiiral na liquor ban sa kanilang mga komunidad.

Dahil dito, umapela si P/Lt. Gen. Eleazar sa netizens na tulungan ang pulisya sa pagtugis sa mga lumalabag sa quarantine protocols, kabilang ang mga pulis na nag-iinuman sa kalsada.

Magugunitang mismong si Cascolan ang nagbabala na papatawan niya ng mabigat na parusa ang sinomang pulis na lalabag sa quarantine protocols.

“I will see to it that everybody who imposes or implements the law shall be disciplined and should also follow the law they are implementing,” babala ni Cascolan.

Base sa datos ng JTF COVID Shield, mahigit na sa 365,000 katao ang binigyan ng warning, pinagmulta at kinasuhan dahil sa paglabag sa quarantine rules simula noong Marso. (JESSE KABEL)

277

Related posts

Leave a Comment