(Ni Ann Esternon)
Totoo, pero dapat in moderation lamang ang pagkonsumo nito.
Ang taba o fats ay may iba’t ibang halaga sa atin. May tinatawag tayong “the good, the bad, and the in-between.”
Dapat nating iwasan ang trans fats, bawasan ang saturated fats, at sa halip ay palitan ito ng essential polyunsaturated fats.
Talakayin natin kung bakit masama sa atin ang trans fats, kung bakit okay ang polyunsaturated at monounsaturated fats, at kung bakit hindi basta-basta sa saturated fats.
Noon kasi, kapag sinabing fats ay iniiwasan na natin ito kaagad dahil takot tayo sa masamang epekto nito sa ating kalusugan. Kaya sige tayo sa low-fat na mga pagkain. Pero kung mapapansin din naman, hindi naman tayo nagiging healthier, simply because or probably because we cut back on healthy fats as well as harmful ones.
Nakatanim kasi sa isip natin na masama ang fats sa katawan, pero ang totoo ay kailangan natin ito – doon lang sa tamang dami at hindi sosobra.
BAKIT KAILANGAN NG FATS NG ATING KATAWAN?
– major source rin ito ng energy
– nakatutulong ito ma-absorb ang ilang vitamins and minerals
– kailangan nito para makabuo ng cell membranes, and vital exterior ng bawat cell, at sheats na nasa paligid nito
– mahalaga ito para sa pagkontrol ng blood clotting, muscle movement at inflammation
– mahalaga rin ito for brain development.
Para sa long-term health may ibang fats na mas mabuti kumpara sa ibang uri nito.
Ang good fats ay kinabibilangan ng monounsaturated at polyunsaturated fats habang ang bad fats ay kinabibilangan naman ng mga industrial-made trans fats. Samantala ang saturated fats ay naroon sa pagitan ng mga nabanggit.
Ang lahat ng fats ay may isang similar chemical structure: ito ay isang chain of carbon atoms na nakadikit sa hydrogen atoms. Ang pagkakaiba ng mga ito ay ang haba at hugis ng carbon chain at ang dami ng hydrogen atoms na nakakonekta sa carbon atoms. Gayundin naman, may slight differences sa structure na nalilipat sa crucial difference sa porma at function o galaw nito.
GOOD MONOUNSATURATED AND POLYUNSATURATED FATS
Ang good fats ay nanggagaling mismo sa mga gulay, nuts, seeds, at mga isda. Iba ito sa saturated fats dahil kaunti ang hydrogen atoms na nakadikit sa carbon chains. Ang healthy fats ay liquid at room temperature, hindi solid. May dalawang broad categories ng beneficial fats: monounsaturated at polyunsaturated fats.
Monounsaturated fats. Ito ay healthy fats na nasa olive, canola o peanut oil, avocados at ilang mga uri ng mani. Nakababawas ito ng timbang, makakaiwas sa peligro sa sakit sa puso at nagpapababa ng pamamaga.
Polyunsaturated fats. Uri ito ng dietary fat at healthy ito. Nakukuha ito sa plant at animal food gaya ng salmon, vegetable oils, nuts at seeds (tahini o sesame). Nakabababa rin ito ng cholesterol level na masama sa katawan.
BAD TRANS FATS
Mahilig ka ba sa pizza, burger, French fries at iba pang uri nito? Kung oo, yari ka. At kung sa buong buhay mo ay hindi mawala ito sa kinakain mo mas nasa peligro ang iyong kalusugan.
Ang bad trans fats ay ang worst type ng dietary fat. Ito ay isang byproduct ng isang proseso na tinatawag na hydrogenation na ginagamit upang ang healthy oils ay maging solid at para maiiwas itong maging mabaho, maanta o sumama ang lasa at amoy.
Ang trans fats na ito ay walang napatunayang may dulot na health benefits at wala rin namang safe level of consumption. Ibig sabihin ito ay mga nasa uring kinakain nang madalas ng mga tao.
Ang trans fats noong unang bahagi ng 20th century ay nakita sa mga solid margarines at vegetable shortening. Nang matuto ng bagong paraan ang mga food maker na gamitin partially ang hydrogenated vegetable oils, madalas na itong makita sa lahat ng pagkain mula sa commercial cookies and pastries hanggang sa fast-food French fries.
Kapag kumakain ng mga pagkaing mayaman sa trans fats, tumataas ang bilang ng harmful LDL cholesterol sa bloodstream o daluyan ng dugo at binabawasan ang dami ng beneficial HDL cholesterol.
Ang LDL (low-density lipoproteins) cholesterol ay ang sinasabing bad cholesterol. Nabubuo ito sa pinakadingding ng blood vessels o ugat na maaaring maging bara rito. Samantala, ang HDL (high-density lipoproteins) cholesterol ay tinatawag namang good cholesterol dahil tinatanggal nito ang ibang uri ng cholesterol mula sa bloodstream. Ang higher level ng HDL cholesterol ay associated sa pagkakaroon ng mababang peligro sa mga sakit sa puso.
Ang trans fats ay lumilikha ng pamamaga, na may koneksyon sa sakit sa puso, stroke, diabetes, at iba pang chronic conditions. Nagko-contribute ito sa insulin resistance, na nagiging daan para tumaas ang peligro sa pagkakaroon ng type 2 diabetes.
Sa type 2 diabetes ang cells ng katawan ay hindi na maka-respond sa insulin na dapat sanang ginagawa nito. Ito ay chronic medical condition o lifelong disease.
Ang trans fats ay maaaring maging delikado sa ating kalusugan: sa bawat 2 porsyento ng calories mula sa trans fats na nakokonsumo araw-araw, ang peligro ng pagkakaroon ng sakit sa puso ay nasa 23 porsyento.
IN-BETWEEN SATURATED FATS
Napaka-common ng fats na ito. Solid ito at room temperature gaya ng bacon greese. Pero ano ang saturated fat?
Ang common sources ng saturated fats ay tulad ng red meat, whole milk at iba pang dairy foods, cheese, coconut oil, at marami pang commercially prepared baked goods at iba pang pagkain.
Ang salitang “saturated” ay tumutukoy sa dami ng hydrogen atoms na nakapalibot sa bawat carbon atom. Ang chain ng carbon atoms ay siyang humahawak sa mas kakayaning dami ng hydrogen atom – saturated ito with hydrogens.
Masama ba ang saturated fat? Kapag ang pagkain ay mayaman sa saturated fats ay maaari itong maging total cholesterol, at maaaring magpahinto sa pagbalanse ng harmful LDL cholesterol, na maaaring maging bara agad at mamuo sa arteries sa puso at iba pang bahagi ng katawan. Kaya naman ipinapayo ng experts na limitahan lang ang saturated fats na mas mababa sa 10 porsyento ng calories kada araw.
Naroon din ang payo na sa halip na saturated fat ay piliin ang polyunsaturated fat gaya ng vegetable oils o high-fiber carbohydrates na mabuting daan para mapababa ang peligro sa sakit sa puso.
Kung gusto mong humaba ang iyong buhay, pili ka ng tamang fats na ilalagay mo sa iyong katawan. Pero kung alam mong may pagkakataon o dumarami ang pagkakataon na sumusobra ka sa masamang fats, matuto ka ring magbawas. Sabayan mo rin ito ng healthy lifestyle at regular na mag-ehersisyo.
552