MANO PO
Tradisyon na sa mga Filipino ang pagmamano.
Isa itong kaugalian bilang paggalang, pagbati o pagkilala sa mas nakatatanda sa atin katulad sa mga magulang, mga lolo at lola, mga tiyo at tiya, sa mga ninong at ninang.
Ang kaugaliang ito ay ipinapakita rin sa mga pari ng mga simbahan, mga ibang lider ng isang organisasyon. Minsan pa nga kahit ang nakatatanda lalo na ang mga lolo at lola na hindi naman talaga kaano-ano ay binibigyan din natin ng paggalang na ito.
Ito ay gawi kung saan kinukuha natin ang kamay ng isang taong nakatatanda at idinidikit sa ating noo.
Ginagawa natin ito bilang paghingi na rin ng blessing o pagpapala mula mismo sa taong pinagmanuhan o sa Maykapal.
Sa kasaysayan, ang kaugalian nating ito ng mga Filipino ay nagmula sa mga Intsik. Habang may nagsasabing nagmula ito mga bansang Singapore at Malaysia.
May nagsasabi ring nag-ugat pa ang kulturang ito sa atin noong panahon ng mga Kastila magmula nang sakupin nila tayo.
Ang salitang mano ay hango sa Kastila na “hand” (gaya ng segunda mano o second hand).
Kung ang ibang lahi ay may paghalik o pag-akap bilang pagbati sa nakatatanda – kamag-anak man o hindi – tayong mga Pinoy naman ay may pagmamano. At sa panahon din ngayon ay pinaghahalo na natin ang mga ito. Maliban sa pagmamano ay mayroon pa tayong paghalik, at mahigpit na pagyakap.
PO AT OPO, HO AT OHO
Dahil likas naman talaga sa mga Filipino ang pagiging magalang, mayroon din tayong paggamit ng po at opo, ho at oho.
Kadalasang ginagamit natin ito sa mga nakatatanda at sa mga nasa mas mataas na posisyon sa trabaho o sa lipunan.
Minsan din, ginagamit ang mga salitang nabanggit bilang pagiging sweet sa ibang tao – kahit pa sa mas nakababata sa atin. Ginagamit din ito sa pagi-ging sweet sa mga taong malapit sa atin – asawa, kasintahan o kaibigan.
Gayunman, ang tradisyong ito ay napapansing pawala na rin sa ating kultura o minsan sa ibang mga lugar na lang ito sa bansa ginagawa. Bagama’t naoobserbahan ito, ay marami pa rin naman ang nagpapatuloy sa ganitong uri ng ating kaugalian. Ipina¬panatili ito lalo na ng mga mas nakakatanda o nasa sinaunang henerasyon.
2711