Bahagi ng kulturang Filipino ang pagdalo sa Simbang Gabi.
Ang Simbang Gabi ay siyam na sunud-sunod na araw na pagpunta sa simbahan upang makinig sa misa ng pari bilang pagsalubong sa Kapaskuhan.
Nagsisimula ito mula ika-16 ng Disyembre at nagtatapos ng ika-24 ng gabi ng Disyembre.
Hango ang Simbang Gabi mula sa “Misa de Gallo” (Mass of the Rooster) na bahagi rin ng mga kagawian ng mga Kastila at ito ay nagsimula sa Pilipinas nang magsimula sila manakop sa ating bansa.
Ang Simbang Gabi ay tradisyong sinisimula ng alas-4:00 ng madaling araw, oras kung saan nagsisimulang tumilaok ang mga manok, hudyat na simula na ang umaga.
Noong unang panahon din sa pananakop ng mga Kastila ay nagsisimula nang ikalembang nang sabay-sabay ng mga simbahan, mula sa iba’t ibang lugar sa bansa, ang mga kampana sa alas-3:00 pa lamang ng umaga, bilang paghahanda na rin ng misa sa ganap na alas-kuwatro.
Umaga pa lamang ay naghahanda na ang mga pari at iba pang mga taga-simbahan para sa gaganaping misa at bago mag-alas-kuwatro ay binubuksan na nila ang mga pinto ng simbahan bilang pag-imbita sa publiko na pumasok dito at makinig sa sermon o homily ng pari.
SIMBANG NAIBA
Dahil nag-iba na ang pamumuhay ng mga Filipino at may kani-kaniya na ring mga oras, ay nakita ng mga tao kung pupuwedeng maiba ang nakaugaliang oras ng Simbang Gabi.
Dahil hindi lahat ay nakakagising ng madaling araw at iniisip din naman ang oras ng pasok ng mga bata sa mga paaralan o mga trabahador sa iba’t ibang opisina ay ikinonsiderang magkaroon ng Simbang Gabi na literal. Ito ay sa pagsasagawa ng misa sa gabi na may oras na alas-otso ang simula habang ang iba ang alas-nuwebe.
Marami na rin ngayong mga pari ang nagmimisa na may kaugnayan sa Simbang Gabi ngunit hindi ito mismo ginaganap sa loob ng simbahan.
Kinokonsidera na rin ngayon ng Simbahang Katoliko na magsagawa ng misa kahit saang lugar kung saan pupuwede at nasa puso ng mga mananampalataya ang pagkinig sa misa ng mga pari.
CHRISTMAS TREE AT BELEN
Tradisyon na rin sa ating pagsisimbang gabi ang makakita sa mga simbahan ng mga iba’t ibang uri ng Belen na may iba’t iba ring dekorasyon, pailaw at iba pa.
Katulad din nito ay mayroong ding samu’t saring mga Christmas tree at maging ang paglalagay ng Santa Claus sa mga simbahan bilang palamuti sa pagsalubong sa Kapaskuhan.
PUTO BUMBONG, BIBINGKA: PAGKAIN, PASALUBONG
Nakaugalian na rin nating mga Pinoy na kung nariyan na ang Simbang Gabi ay napapansin na rin ang dumaraming mga nagtitinda ng puto bumbong at bibingka.
Sinasabing may pagtitinda ng mga kakaning ito dahil na rin sa oras ng Simbang Gabi kung saan masyadong malamig at hindi naman sanay ang mga Filipino sa ganitong temperatura.
Ang pagbili nito ay ginagawa ring pasalubong habang ang iba ay hindi na makapaghintay sa sarap at nanghihinayang sa init ng puto bumbong at ng bibingka ay kumakain na mismo sa tapat ng mga tindahan kung saan nila ito binili.
URI NG PAGSISIMBA, NAIIBA NA RIN
Kapansin-pansin na sa paglipas ng panahon ay naiiba na rin ang diwa ng Simbang Gabi.
Sa obserbasyon ng nakararami o ang mga kinokonsidera na nating mga naunang tao sa atin, ay malayo na ang naitakbo ng pananampalataya ng mga Pinoy sa tuwing sila ay nagsisimba.
Hindi na tayo taimtim kung makinig sa salita ng pari.
Mapapansin din na sa mga pananamit din ng mga dumadalo sa Simbang Gabi – o kahit hindi sa okasyon na ito – ay malayo na rin sa pagiging disente.
Marami na kasi ang nagbibihis ng iba’t ibang damit na hindi angkop sa pagsisimba.
Marami sa mga babae ay nagsusuot na ng maiiksing mga damit o yaong may skin exposure na.
Sa mga kalalakihan naman ay hindi ring angkop ang kanilang pananamit, na para bang sa mga piging magtutungo.
Kapansin-pansin na rin ang mga nagsisimba na para bang ginagawa na itong dahilan na lamang at lugar para magkita ang magsing-irog. Ang simbahan ay lugar ng kanilang pagliligawan.
Mula sa simbahan ay pansin na ring wala na sa ating ang pagmamano lalo na sa mga nakatatanda. Puna kasi sa mga kabataan na mas kinukuha sana nila ang “blessings” mula sa pagmamano lalo na kung galing sa simbahan.
Ang mga ganitong obserbasyon ay sana’y mabago pa at maibalik ang tunay na diwa ng Simbang Gabi. At kung hindi maiiwasang mabago ay huwag naman sa paraang masisira ang imahe ng simbahan at ang kultura natin sa pagiging madasalin. (ANN ESTERNON)
512