Bilang mga magulang lalo na ang mga ilaw ng mga tahanan, dapat ay marunong magtipid kahit sa mga pagkain.
Minsan ay hindi naiiwasan na may naiiwan talagang mga pagkain, ito ang mga sinasabing natira na lamang o leftover.
At kahit pa isang maliit na bowl na lamang iyan ay pag-isipang mabuti kung ano pa ang magagawa rito o anong pakinabang pa ang maibibigay nito sa atin.
Madalas isipin na ang mga natirang mga pagkain ay opsyon na lamang na ipamigay ito. At kung nahihiya sa resulta ng luto o kung kakaunti na lamang ito ay ipakakain na sa aso o sa anomang alagang hayop.
Pero mas dapat nating isipin na pwede pang maging pagkain itong muli (kung ayaw na talagang kainin sa orihinal na luto) dahil hindi natin dapat kalimutan na sobrang mahal ng mga bilihin ngayon.
ANO ANG MGA DAPAT GAWIN SA LEFTOVER FOOD?
Huwag n’yong isipin na ito ay tira, kundi “ingredients” na magpapasarap pa sa inyong lutuin at smart saving ito.
– Bahaw. Pwedeng gawing lugaw, champorado, o kaya ay sinangag.
– Natirang pritong isda. Gawin itong sarciado, damihan ng sabaw, sarapan ng luto para mas maraming makakain at mas tipid. Pwede rin itong gawing fish steak.
– Natirang pritong itlog. Hiwa-hiwain ito at isama sa sinangag. Pwede rin itong ihalo sa noodles o sa nilagang mga karne. Sa simpleng hiniwa-hiwang kamatis at sibuyas ay pwedeng isama ang natirang itlog. Sa natirang itlog na nilaga, pwedeng isama ito sa arroz caldo, sa embutido, morcon, ensalada at iba pa.
– Natirang pritong karne o manok. Pwedeng isama ito panlahok sa chopsuey o iba pang ginisang mga gulay, monggo, lechon paksiw, pansit, lumpia, burrito o taco.
– Natirang gelatin. Maaaring ihalo ang natira nito sa isang uri ng dessert na coffee jelly, fruit o vegetable salad, cake o anumang baked products, palamig o inumin.
– Natirang tinapay. Kung hindi pa naman sira, pwedeng ihalo ito sa soup (croutons), o sa embutido.
– Natirang spaghetti sauce. Pwede itong gawing sarsa pa sa mechado, menudo, caldereta o kaya ay sa afritada. Okay na okay rin ito para sa sarsa o sawsawan, filling, o dressing sa pizza quesadilla, burrito.
– Natirang mga prutas. Ang pinaka “dabest” na gawin dito ay gawing pang-salad o ihalo rin sa iba’t ibang mga lutuin. Pwede ring isama sa pag-iihaw o mismong ilagay sa dulo ng sticks.
MAGING CREATIVE SA LEFTOVERS
Sa paggamit ng leftover food tandaan na dapat hindi ito masayang. Kapag may natirang pagkain, agad itong ilagay na sa refrigerator para masigurong safe pa ring magamit at makain ito sa susunod na araw.
Dahil marami sa atin ang hirap kumain ng leftover food, dapat create leftovers purposefully. Siguradu¬hing makakain pa rin ito lalo na ang mga bata o ang miyembro ng pamilya na may pagkapihikan sa lasa ng mga pagkain.
377