WOMEN SUMMIT NG GO NEGOSYO, DINALUHAN NG LIBO-LIBONG KABABAIHANG NEGOSYANTE

Idinaos ng Go Negosyo ang Women Summit 2023 noong Sabado, Marso 18, sa Ayala Malls Manila Bay sa Parañaque City. Pinangunahan ito ni Go Negosyo founder Joey Concepcion, kasama si First Lady Louise Araneta Marcos, US Ambassador Marykay Carlson at Department of Trade and Industry Sec. Alfredo Pascual na malugod na tinanggap ang libu-libong kababaihang negosyante na nais matuto mula sa mga batikang negosyante na nagsalita sa kaganapan.

“Sa 17 taon na kami ay katrabaho ang mga MSMEs, napansin namin na ang mga kababaihan ay maparaan, malikhain at determinadong mga negosyante,” sabi ni Concepcion. “Ito ang dahilan kung bakit ginagawa namin, mula nang magsimula ang Go Negosyo, na palaging maglaan ng kaganapan sa para sa mga babaeng negosyante,” sabi niya.

Sa temang “Celebrating Inspiring Filipina Entrepreneurs”, ang Women Summit 2023 ay naglalayon na itampok ang papel ng kababaihan sa iba’t ibang larangan, kabilang ang innovation, teknolohiya, kalakalan, at pamumuno sa negosyo, at kilalanin ang mga kababaihang nanguna sa mga larangang ito. Itinampok din ang mga matagumpay na negosyong maaaring pagsikapan ng mga kababaihan, at magbigay-inspirasyon sa mga babaeng negosyante na ituloy ang kanilang mga pangarap, bumuo ng negosyo, at tumulong sa lipunan.

Labinlimang natatanging Filipina entrepreneurs ang ginawaran ng Inspiring Filipina Entrepreneurs Award sa summit. Ang parangal ay ibinibigay sa mga natatanging negosyanteng Pinay na nagpakita ng pambihirang pamumuno at nakatulong sa kanilang mga komunidad. Mahigit sa 200 outstanding women entrepreneurs ang nabigyan na ng parangal mula nang ito ay mabuo. Pinamunuan ni Philippine Retailers Association President at Wilcon Depot SEVP Rosemarie Ong ang Inspiring Filipina Entrepreneurs Awards, habang si ASEAN BAC Philippines at Go Negosyo Senior Adviser Josephine Romero ang nanguna sa awarding ceremonies.

Sa talakayan, itinampok ang mga kababaihan na umangat sa mundo ng tech, gaya nina Angkas founder Angeline Tham, Kumu VP at She Talks Asia co-Founder Victoria Herrera, GrowSari CMO Maimai Punzalan, at Kindred Health CEO Jessica De Mesa.

Si Ms. Universe 1969 Gloria Diaz at Ms. Universe Philippines (Agusan del Norte) Jannarie Zarzoso ay nagbahagi ng kanilang mga entrepreneurial journeys pagkatapos maging beauty queen, habang si Amina Aranaz-Alunan ay nagkwento tungkol sa pagiging una sa negosyo ng fashion accessories. Si Jessica Wilson ng Sunnies Face ay nagbigay-payo kung ano ang kinakailangan upang makabuo ng isang pinagkakatiwalaang brand, habang ang content creator na si Nana Silayro at celebrity mom na si Melai Cantiveros-Francisco ay nagbahagi ng kanilang mga inspirational talk sa audience.

Ang may-ari ng Lydia’s Lechon na si Lydia de Roca, ang nagtaguyod ng Ate Rica’s Bacsilog na si Rica Peñalosa, at ang mother-daughter tandem ng Mary Grace Café na sina Mary Grace Dimacali at Marian Dimacali Calaquian ay nagkuwento kung ano ang kinailangan upang magtagumpay sa food business. Ang may-ari naman ng Eggluck na si Luck Pedro, House of Musa founder Sina Gleizl Joy Soo, Arkat Lawanen Chair Amielyn Limbona, at Something Nice CEO Rosanna Kabiling ay lumahok sa isang forum kung ano ang kinakailangan upang magtagumpay bilang isang babaeng negosyante. Nagbigay-aliw naman ang celebrity vlogger na si Macoy Dubs na dumating bilang “Lisa B.” tungkol sa pagtanggap ng pagkakaiba at pagkakaisa.

Nagsagawa rin ang Go Negosyo ng libreng entrepreneurship mentoring session kasabay ng event. Mayroon ding mga sponsor na nag-aalok ng tulong sa kapital at access sa mga merkado, kabilang na ang Esquire Financing Inc., na nagbigay ng walang interes na pautang na Php50,000 sa mga dadalo ng Women Summit. Ang Women Summit 2023 ay ginanap sa pakikipagtulungan sa US Embassy.

396

Related posts

Leave a Comment