PNP Custodial Center kinuwestyon
(Ni: NELSON S. BADILLA)
PINAGPAPALIWANAG ng korte ang warden ng Philippine National Police (PNP) Custodial Center at mga abogado ng detenidong si Ozamiz City Vice Mayor Nova Princess Parojinog matapos matuklasang nakalabas ito ng piitan noong Nobyembre, 2018.
Pansamantala umanong pinalabas ang kontrobersiyal na dating Ozamiz City vice mayor noong Nobyembre 12, 2018 para dalawin ang kapatid na nakakulong sa Camp Bagong Diwa.
Nililitis sa Quezon City Regional Trial Court ang kaso ni Parojinog hinggil sa ilegal na droga at ilegal na pagtangan ng baril, samantalang ang kapatid niyang si Reynaldo Parojinog Jr. ay sinampahan din ng parehong mga kasong kriminal, bukod pa sa ilegal na pagtangan ng granada.
Ang magkapatid ay nadakip at nakulong noong Hulyo, 2017 matapos salakayin ng mga pulis ang kanilang bahay sa Ozamiz City dahil sa isyu ng ilegal na droga at ilegal na mga armas.
Sa nasabing operasyon, namatay ang kanilang amang si Mayor Reynaldo Parojinog Sr. at ang labing-apat nilang mga tauhan.
Ang pagpapalabas kay Nova Princess mula sa PNP Custodial Center sa Camp Crame noong Nobyembre 12, 2018 ay nalaman lang ni Quezon City Regional Trial Court Branch 228 Judge Mitushealla Manzanero-Casiño nitong Disyembre 2019.
Nalaman lang ni Judge Casiño ang pagpapalabas kay Parojinog nang banggitin ng prosekusyon sa mosyong inihain nito sa Branch 228 na nagsasaad ng tahasang pagtutol sa mosyon ni Parojinog, sa pamamagitan ng kanyang mga abogado, na payagan ang bise alkalde na madalaw ang kapatid sa kulungan nitong Disyembre 23 ng nakalipas na taon.
Paliwanag ng prosekusyon, ang muling pagpapahintulot kay Parojinog na madalaw ang kapatid ay maituturing na special treatment.
Pinayagan ni Judge Casiño ang naturang kahilingan. Ngunit, pinagpapaliwanag nito ang warden ng PNP Custodial Center at mga abogado ni Parojinog sa pagpapalabas sa nasabing bilanggo noong Nobyembre 2018 nang walang inihaing mosyon ang kampo ni Parojinog ukol dito at walang pahintulot ang nasabing huwes.
Noong Disyembre 17, 2019 ang utos ni Judge Casiño, ngunit kamakailan lang nakarating sa media.
