‘SPLASH BROTHERS’ NANALASA

Ni VT ROMANO

MAY season-high 41 points si Klay Thompson at 33 puntos naman kay Stephen Curry, para sa unang road win ng Golden State Warriors.

Tinalo ng tropa ni coach Steve Kerr ang Houston Rockets, 127-120, Linggo ng gabi (Lunes sa Manila).

Pinutol ng Warriors ang 0-8 start sa road tungo sa 8-9 sa season. Nanalo ang Golden State ng lima sa huling pitong laro kasunod ng 3-7 start.

Isang vintage performance ang ipinamalas ni Thompson, nakahirit ng 10-of-13 3-pointers at 14-of-23 sa field.

Habang si Curry, nangapa sa umpisa pero tumapos na may 11-of-20 sa field, kabilang ang 7-of-14 sa 3-point range. Mayroon din siyang season-high 15 assists, kapos ng isa sa kanyang career high.

Pumukol ng malaking tres si Curry sa nalalabing dalawang minute, na nagpalobo sa abante ng Warriors, 121-115. Nakahirit siyang muli sa huling 40 seconds, tungo sa nine-point lead ng Golden State.

Maging si Andrew Wiggins ay nakatulong nang malaki, six-of-11 sa 3s at umiskor ng 22 points.

Nanguna naman si Kevin Porter, Jr., sa Houston, 30 points, kasunod si Jabari Smith Jr., 22 points at si Jalen Green, 16 points.

Si rookie Tari Eason may career-high 19 points at eight rebounds off the bench.

Sa simula pa lang abante na ang Golden State, 11-0 at 40-28 matapos ang first quarter, 20 puntos dito mula kay Thompson.

Bumawi ang Houston sa ­second quarter, nag-rally via 17-2 run at nagawang angkinin ang halftime lead, 65-61.

Subalit hanggang doon lang ang kinaya ng Rockets, at nalaglag ito sa 3-14, worst record sa Western Conference.

LAKERS BINUHAT NI AD

WALA pa rin si LeBron James sa ikaapat na pagkakataon.

Pero, walang naging problema.

Kumamada si Anthony Davis ng 30 points at may 18 rebounds, nang bugbugin ng host Los Angeles Lakers ang San Antonio Spurs, 123-92, Linggo ng gabi (Lunes sa Manila).

Ikatlong sunod na panalo ito ng Lakers sa unang pagkakataon mula noong unang linggo ng ­Enero.

Absent si James sanhi ng left adductor strain.

Ang pagkawala ni James ay tinabunan ng prolific performance ni Davis, nakakatatlong sunod nang may 30-point games na unang pagkakataon mula noong Marso 2020.

Nakatulong kay Davis sa opensa ng Lakers si Austin Reaves, ­inilista ang 17 ng kanyang 21 puntos sa first half, bago tuluyang ibinulsa ang panalo, nagpaangat sa Pacific Division’s worst record 5-10.

Absent din si Spurs coach Gregg Popovich matapos ­magpasabing masama ang pakiramdam bago ang laro.

Humalili si assistant Brett Brown sa 73-anyos na si Popovich, winningest coach sa NBA history at Spurs’ bench boss mula 1996.

Top scorer si Devin Vassell, 17 points para sa Spurs, nakakalimang sunod talo at ika-10 sa huling 11 games.

Nagdagdag si Gorgui Dieng ng seven points at seven rebounds. Si Dieng ang starter kapalit ni injured Jakob Poeltl.

Nag-ambag si Lonnie Walker ng 14 points laban sa kanyang ­dating team Spurs.

Ngunit, si Davis pa rin ang nagbida at bumuhat sa Lakers.

Kumamada si Davis ng 18 points sa first quarter.

Kinumpleto ni Reaves ang ­highest-scoring half ng kanyang NBA career, habang itinala ng ­Lakers ang 66-48 lead sa halftime.

KYRIE BALIK NETS

NAGBALIK na si Kyrie Irving mula sa kanyang suspension, naglista ng 14 points, may season-high si Ben Simmons, 22 points nang ilampaso ng Brooklyn Nets ang short-handed Memphis Grizzlies, 127-115, ­Linggo ng gabi (Lunes sa Manila) sa New York.

Nakapag-ambag si Kevin Durant ng 26 puntos, at 17 games ngayong season na mayroon siyang at least 25.

Longest streak sa pagsisimula ng season sapul nang magawa iyon ni Rick Barry, 25 straight sa 1966-67 season.

Nakakasorpresa ang kontribusyon ng mga kakampi ni Durant.

Naitala ni Simmons ang una niyang 20point game mula nang lumaro sa 76ers sa 2021 playoffs at si Yuta Watanabe, nagsumite ng 16 puntos.

Si Dillon Brooks naman ang top scorer sa Grizzlies, 31 points.

Absent sa Memphis si All-Star Ja Morant, gayundin sina Demons Bane at Jaren Jackson, Jr.

Sa kabila nito, lubog lamang sila ng tatlong puntos makaraan ang tatlong quarters, bago binuksan ng Brooklyn ang fourth via 18-5 run, tampok ang four 3-pointers mula kay Watanabe, tungo sa 114-98 count.

Inihayag ng Nets umaga ng Linggo, lalaro si Irving kinagabihan, matapos ang taus-pusong paghingi ng paumanhin sa lahat ng kanyang nasaktan hinggil sa pagkakapost ng link sa documentary na may antisemitic material sa kanyang Twitter page, na nagresulta sa pagkakasuspinde sa kanya ng koponan.

Walong larong hindi sumalang si Irving.

Mainit naman ang naging pagtanggap kay Irving nang ihayag ang pangalan niya sa starting lineups, at agad naka-shoot ng 3-pointer sa unang attempt.

Pero, sumablay na sa mga sumunod.

Nakabalik na rin si Simmons bilang starter, kapalit ni center Nic Claxton (out for personal reason).

Kahit sa laro noong Huwebes kontra Portland, maganda ang ipinamalas ni Simmons. Mas maganda nga lang nitong Linggo, shooting 11-of-13, may eight assists at five rebounds.

Ang No. 1 sa 2016 draft ay ­nakatakdang harapin ang 76ers sa Martes, unang pagkakataon sapul nang siya’y itrade noong Pebrero.

Nagwagi naman ang Phoenix Suns sa New York Knicks, 116-95; nailusot ng Denver Nuggets ang 98-97 win kontra Dallas ­Mavericks; tinalo ng Cleveland Cavaliers ang Miami Heat, 113-87; ­hinakbangan ng Sacramento Kings ang Detroit Pistons, 137-129; at ang ­Washington Wizards nakaungos sa Charlotte Hornets, 106-102.

245

Related posts

Leave a Comment