MALABONG makasama si Barangay Ginebra forward Japeth Aguilar sa Gilas Pilipinas men’s basketball team sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam sa Mayo.
Sinabi ni Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) deputy executive director at Gilas Pilipinas team manager Butch Antonio, kinausap nila mismo si Aguilar at ipinaalam na mas nais nilang magpagaling siya sa knee injury.
“Nag-aalala kami sa injury niya na baka lumala sa SEA Games. Mas gusto namin siya na makasama na malusog at maganda ang kondisyon hanggang sa World Cup,” esplika ni Antonio kahapon sa Philippine Sports Association forum.
Humingi ang SBP ng dagdag na panahon sa Philippine Olympic Committee (POC) para sa pinal na 16-man lineup ng Gilas na isusumite sa SEA Games Federation.
Sa kasalukuyan, kabilang sa Gilas pool sina Aguilar, June Mar Fajardo, Kevin Alas, Robert Bolick, Kib Montalbo, Will Navarro, Roger Pogoy, Matthew Wright, Thirdy Ravena, Dwight Ramos, LeBron Lopez, Caelum Harris, Troy Rosario, Poy Erram, Mo Tautuaa at Isaac Go.
Kasama naman sa Gilas Pilipinas 3×3 sina Reymar Caduyac, Jorey Napoles, Brandon Ganuelas-Rosser at Marvin Hayes.
Apat na gintong medalya sa 5-man at 3×3 basketball men’s at women’s ang napanalunan ng Pilipinas sa paghohost nito sa SEAG 2019 edition.
CHICANO TUMALON
SA DUATHLON
MULA sa triathlon ay sa duathlon na sasabak si John ‘Rambo” Chicano sa darating na SEA Games.
Ipinahayag ng Triathlon Association of the Philippines (TRAP), nagdesisyon silang ilagay sa duathlon ang 2019 SEAG gold medallist sa triathlon na si Chicano dahil mahusay siya sa running at nagkuwalipika pa sa The World Games sa Birmingham, Alabama.
“Strength kasi ni John ang running so the coaching staff decided ilagay siya sa duathlon dahil sa malaking posibilidad manalo. And also, nag-qualify rin siya sa World Game kaya mas applicable na doon siya mag-compete,” sabi ni national coach Melvin Fausto.
Sina Kim Remolino at Fernando Caceres ang papalit para sa men’s triathlon, habang sa women’s ay si three-time SEAG gold medallist Kim Mangrobang at newbie na si Raven Faith Alcoseba.
Makakasama naman ni Chicano sa men’s duathlon si Raymond Torio, at sa women’s category sina Mangrobang at isa pang bagito na si Alexandra Ganzon. (ANN ENCARNACION)