6 koponan ng RSA at MVP pasok sa PH Cup Top 8

HINDI pa tapos ang elimination round ng 47th PBA ­Philippine Cup ngunit gaya ng dati, mga pamilyar na mukha ang ­nangunguna sa Top 8 na papasok sa quarterfinal round.

Nitong Miyerkoles, tinablahan sa liderato ng Barangay Ginebra, na pansamantalang minementor ni interim coach Richard del Rosario na humalili sa nasa US na si head coach Tim Cone, ang San Miguel Beer nang selyuhan ng Kings ang 106-82 panalo

kontra Terrafirma Dyip sa Araneta Coliseum. Ngayon ay pantay na muli sa 6-1 panalo-talo ang sister teams na pag-aari ni San Miguel Corp. Group’s Ramon S. Ang (RSA).

Dahil dito, hindi malayong magharap ang magkapatid na koponan sa Finals, na ­maraming beses nang nangyari sa mga nagdaang taon. Ang kahulihulihan ay noong 2017-2018 Commissioner’s Cup, nang gapiin ng Kings ang Beermen ni coach Leo Austria, 4-2, sa best-of-seven championship.

Kapag nagkataon, bigo na naman ang mga indipendiyenteng koponan sa labas ng RSA at MVP (Manny V. Pangilinan) group na makasingit sa liga, na sa mahabang panahon ay dinodomina ng dalawang higanteng kompanya.

Sa 12-koponan ngayon sa PBA, masasabing ang Blackwater Bossing ang lumalabas na “dark horse” o sorpresang team. Kasalukuyang nasa ikatlong ­puwesto sa 2022 All-Filipino Cup ang Bossing na may 4-1 rekord sa ilalim ni coach Ariel Vanguardia. Subalit sabi nga, mahaba pa ang laban kaya’t wala pang katiyakan na mapanghahawakan ng ­Blackwater ang kanilang puwesto.

Samantala, ang tatlong koponang pag-aari ng MVP Group – Talk ‘N Text ay nasa pang-apat (7-2), NLEX at Meralco na parehong may 4-3 karta ay pang-anim at pampito. Kaya malaki ang tsansang uusad din ang tatlong teams sa quarterfinals.

Sa kabilang banda, ang isa pang koponan ng RSA, ang Magnolia Hotshots, ay may kaparehong rekord na 4-3. Ang iba pang team – NorthPort, Phoenix at baguhang Converge na pumalit sa Alaska, at Rain or Shine ay nasa pangwalo-pababa sa team ­standings, bagama’t may pag-asa pang umusad sa quarterfinals. Tanging Terrafirma na may 0-7 marka, ang wala nang tsansa sa susunod na round.

Tatlong playing days pa ang nakaiskedyul mula Biyernes hanggang Linggo kaya saka pa lamang magkakaalaman kung alin sa mga koponan ang aabante sa Round of Four ng Philippine Cup.

64

Related posts

Leave a Comment