BIGGEST PH DELAGATES IPAPARADA SA 2020 TOKYO OLYMPICS

2020 TOKYO OLYMPICS

KUNG makalulusot sa kani-kanilang qualifying event ang mahigit 50 Filipino athletes, inaasahang pinakamalaking bilang ng delegado ang maipadadala ng Pilipinas sa 2020 Tokyo Olympics.

Ito ang napagusapan kahapon sa ginanap na Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee Tokyo Olympics meeting kung saan dumalo ang mga kinatawan ng 15 national sports association.

“We are looking at the biggest delegation in the Olympics since 1967,” nagkakaisang sabi nina PSC Chairman William “Butch” Ramirez, Tokyo Olympics Team Pilipinas chef de mission Mariano “Nonong” Araneta, at POC Secretary General Ed Gastanes na nirepresenta si POC president Abraham “Bambol” Tolentino, na hindi nakadalo dahil sa importanteng pulong sa kongreso.

Dumalo rin sa pulong ang representante ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na siyang magiging sponsor ng pambansang koponan, base na rin sa atas ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na gagastos ng P100-milyon para sa paghahangad ng bansa sa pinakaunang gintong medalya sa Olympics.

“We are not just looking at Tokyo Olympics here in partnership with PAGCOR, we are also setting our direction para sa Paris at LA Olympics,” sabi nina Ramirez at Araneta. “We are looking at around 49 to 51 athletes to qualify.”

Tinukoy naman ng NSAs ang kanilang mga ipapadalang mga atleta sa Olympic qualifiers sa athletics (4), swimming (2), 3×3 basketball (4), boxing (11), gymnastics (1), golf (2), judo (2), skateboarding (2), canoe-kayak (2), weightlifting (5), taekwondo (4), cycling (5), rowing (4), Table Tennis (4) at karate (6).

Hindi pa kasama sa bilang ang mga sport na archery at triathlon na may sariling pamamaraan para sa pagpapadala o pagpili ng ipadadalang atleta sa kada apat na taong world tournament.

Dumalo sa pulong sina Samahang Weightlifting ng Pilipinas president Monico Puentevella, Philippine Swimming Inc. president Lani Velasco, Philippine Taekwondo Association secretary general Rocky Samson at coach Dindo Simpao, Philippine Rowing Association secretary general Magnum Membrere, at Skateboarding president Monty Mendegoria.

Nasa pulong din sina Philip Ella Juico ng athletics, Jonne Go ng Canoe Kayak Federation, Ed Picson ng Association of Boxing Alliances in the Philippines, Karatedo president Ricky Lim at mga representante ng Philippine Judo Federation. PhilCycling at Gymnastics Association of the Philippines.  (Ann Encarnacion)

115

Related posts

Leave a Comment