(NI VTROMANO)
NAGBUNGA ang sakripisyo ni Donnie Nietes na malayo sa piling ng pamilya sa pagdiriwang ng New Year. Gayunpaman, makulay niyang sinalubong ang 2019 matapos umiskor ng pahirapang split decision win laban kay Japanese Kazuto Ioka, Lunes ng gabi sa Wynn Palace Cotai, Macao.
Sinungkit ni Nietes ang bakanteng World Boxing Organization (WBO) super flyweight crown at maging four-division world champion.
Binigo rin niya ang pangarap ni Ioka na maging kauna-unahang four-division world champion ng Japan.
Ang iskor ng tatlong hurado: 118-110 at 116-112 para kay Nietes at 116-112 para kay Ioka.
Bunga nang panalo, umakyat sa 42 wins at isang talo (23 KOs) ang record ni Nietes, habang natamo naman ni Ioka ang ikalawang tao (23 wins at 13 KOs).
Epektib ang jabs ni Ioka sa mga unang rounds, pero si Nietes ang solido naman ang mga patama ni Nietes.
Sa third at fourth rounds, palitan ng malalakas na suntok ang dalawa, kung saan kukonekto si Nietes sa ulo, at tinarget naman ni Ioka ang katawan o bodega ng Pinoy boxer.
Palitan pa rin ng kumbinasyon sa mga sumunod na round ang dalawang boksingero, hanggang sa 11th round kung saan halos close ang laban.
Sa 12th at final round, naging see-saw battle, ibinuhos nina Nietes at Ioka ang lahat ng lakas upang maiskor at maimpres ang mga hurado.
Dahil din sa panalong ito ni Nietes, nadugtungan pa ang kanyang winning streak na nagsimula noong 2004. (VTRomano) (Photo by: Carlos Costa/Philboxing.com)
309