GAYA nang inaasahan, hindi na pinahaba ng Barangay Ginebra ang serye kontra Meralco Bolts at kinuha ang Governor’s Cup crown, 105-93, Biyernes ng gabi sa Mall of Asia Arena.
Ito ang ika-12 overall titles ng Gin Kings at ikatlo sa Governors’ Cup sa loob ng apat na taon para kay Jus-tin Brownlee. At lahat nang ito’y laban sa Meralco ni coach Norman Black.
Nagsumite si Brownlee ng 24 points, 10 assists at 7 rebounds, habang si Stanley Pringle ay nagdagdag ng 17 points at 8 assists sa kanyang kauna-unahang PBA championship.
Ngunit ang pinaka-bumida para sa Ginebra ay ang kanilang big guy na si Japeth Aguilar na kumamada ng 25 points at tinanghal na Finals MVP.
Naging malaking paktor para sa Gin Kings si Aguilar sa finals lalo nang ma-injured ang Meralco big man na si Raymond Almazan, na bagama’t pinilit mag-contribute noong Game 4 ay hindi na nakapaglaro pa sa Game 5.
May average na 17.4 points, 7 rebounds at 3.4 blocks si Aguilar ngayong Governor’s Cup Finals.
“I’m just really thankful. Nagpapasalamat talaga ako sa Panginoon, kasi any moment it could be (Meral-co’s) game. We really had to dig deep,” wika nito.
“Sa bandang huli they saw me, they saw opportunity. So team work talaga,” dagdag ni Aguilar.
Si Best Import of the Conference Allen Durham ang nanguna sa Bolts sa kanyang double-double, 29 points at 21 rebounds.
184